BHB-Mindoro, aktibong nakapagtanggol laban sa umaatakeng yunit ng 76th IB
Binigo ng mga Pulang mandirigma ang pag-atake ng 76th IB at 203rd IBde sa isang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Mindoro (Lucio de Guzman Command) sa Sityo Camilian, Barangay Bugtong na Tuog, Socorro, Oriental Mindoro noong Nobyembre 18. Dalawang pasistang sundalo ng rehimeng Marcos ang napatay sa aktibong pagtatanggol ng hukbong bayan habang maraming nasugatan.
Ayon kay Ka Madaay Gasic, tagapagsalita ng BHB-Mindoro, bigo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na makamit ang hibang nitong target na lipulin ang BHB. Sa nagdaang labanan, matapang na lumaban ang mga Pulang mandirigma hanggang sa ligtas na nakaatras. Dahil dito, labis ang panggagalaiti ng 76th IB sa bigong pag-atake nito.
Para pagtakpan ang kahihiyan ng pagkatalo, taksil nitong inatake at pinagbalingan ang sibilyang populasyon sa komunidad. Nagpataw ang mga sundalo ng blokeyo sa pagkain at nagpatupad ng lockdown sa barangay at mga karatig na lugar. Kinampuhan ng mga Mobile Community Support Program Operation o MCSPO (dating RCSPO) ang barangay para patuloy na takutin, gipitin, isurbeylans, at kontrolin ang kilos ng mga residente sa dudang sumuporta ang mga ito sa BHB.
Lalong pinatitindi ng mga yunit ng 203rd IBde ang mga operasyong kombat nito sa maraming bayan sa isla ng Mindoro dahil sa paghahabol na magkamit ng mga “tagumpay” bago magtapos ang 2024. Sa harap nito, nagpahayag ng determinasyon ang BHB-Mindoro sa pakikipaglaban sa 203rd IBde at pagbigo sa mga atake nito.
“Hamon sa mga [Pulang mandirigma] na higit na magpalakas at determinadong lumaban, pataasin ang kasanayan, ang mga taktika at teknika upang mas maging mahusay sa pakikihamok sa kaaway at bigwasan ang mga berdugong ito,” ayon kay Ka Madaay. Dagdag pa niya, magagawa ito sa pagpapahigpit ng pagkakaisa ang mamamayang Mindoreño at hukbong bayan upang labanan ang pasismong inihahasik ng 203rd Brigade at mga pulis.