Bilanggong pulitikal mula Negros, nakalaya na

Nakalaya na si Ge-Ann Perez noong Hunyo 30 mula sa apat na taong pagkakakulong sa Taguig City Jail Female Dorm, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City. Si Perez ay inaresto, kasama ang mag-asawang sina Fr. Frank Fernandez at Cleofe Lagtapon, noong Marso 24, 2019 sa Liliw, Laguna.

Ibinasura ang gawa-gawang mga kasong illegal possession of firearms, illegal possession of explosives at paglabag sa COMELEC gun ban laban kay Perez.

Nang damputin ang tatlo, pinalalabas ng estado na nasamsam sa kanila ang tatlong kalibre .45 pistola, tatlong magasin at mga bala, at tatlong granada.

Habang pinalaya si Perez, hinatulan naman na maysala ang matandang mag-asawang Fernandez sa kasong illegal possession of firearms habang napawalang-sala sila sa mga kaso ng illegal possession of explosives at COMELEC gun ban.

Ayon kay Fides Lim, tagapagsalita ng grupong Kapatid, “labis ang saya ni Perez nang makalabas mula sa kanyang apat na taong pagkakapiit.” Sinalubong ng grupo si Perez ng mahigpit na yakap at pagpupugay.

Kasabay nito, binatikos ni Lim ang hatol sa mag-asawang Fernandez sa parehong kasong kinaharap ni Perez. Aniya, tiyak na iaapela ng kanilang mga abugado ang hatol.

Ibinahagi din ni Lim na planong bumalik ni Perez sa kanyang pamilya sa Cebu sa tulong ng International Committee of the Red Cross pagkatapos ng labis na naantalang tsek-ap sa Philippine General Hospital.

AB: Bilanggong pulitikal mula Negros, nakalaya na