Bilanggong pulitikal sa Negros, nakalaya matapos ang higit 4 taon

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Higit apat na taon ang makalipas, nakalaya na si Ma. Lindy Perocho sa pagkakapiit sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP)-Escalante City noong Marso 6 matapos ibasura ang kasong kriminal na isinampa laban sa kanya. Si Perocho, kasapi ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), ay inaresto sa Escalante City noong Nobyembre 1, 2019, isang araw matapos ang magkakasabay na reyd sa mga upisina ng progresibong organisasyon sa Bacolod City. Hindi bababa sa 57 aktibista at organisador ang arbitraryong inaresto sa sabayang reyd na ito na tinaguriang “Negros crackdown.”

Si Perocho ay sinampahan ng mga kasong kriminal kasunod ng paghahalughog ng mga pulis sa kanilang upisina sa bisa ng walang-basehang mandamyento de aresto na inilabas ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert ng Regional Trial Court Branch 89 sa Quezon City.

Mayroon siyang sakit sa bato nang maaresto at lumala ito dahil sa pagkakapiit sa kanya. Inaresto kasama niya noon si Imelda Sultan, kasapi rin ng NFSW, na nakakulong pa hanggang sa kasalukuyan.

“Ikinagagalak ng NFSW ang ganitong tagumpay laban sa mga pang-aatake ng estado sa mamamayang nag-oorganisa at lumaban lalo na sa hanay ng mga manggagawa sa tubuhan,” ayon sa NFSW-Negros. Ngunit ayon sa grupo, sa kabila ng paunang tagumpay na ito ay higit na nararapat na kundenahin ang iligal na pag-aresto sa dalawang magbubukid at sa iba pang mga bilanggong pulitikal.

“Patuloy din nating ipanawagan ang pagpapalaya kay Sultan at sa iba pang bilanggong pulitikal. Gayundin, dapat na itigil na ang lahat ng porma ng pang-aatake ng estado,” dagdag pa nito.

AB: Bilanggong pulitikal sa Negros, nakalaya matapos ang higit 4 taon