Bilanggong pulitikal sa Panay, napalaya

, ,

Pansamantalang nakalaya ang 75-taong gulang na si Tay Dolping o Rodolfo Diaz matapos ang higit isa’t kalahating taong pagkakakulong sa Iloilo District Jail sa gawa-gawang mga kaso. Inianunsyo kahapon ng grupong Defend Panay Network ang paglaya ni Tay Dolping noong Oktubre 28 matapos makapagpyansa. Pinakamatanda siya sa lahat ng mga bilanggong pulitikal sa isla.

Si Tay Dolping ay isang katutubong Tumandok na nakatira sa mga komunidad sa Calinog, Iloilo at Tapaz, Capiz na inatake ng pulis at militar noong Disyembre 2020. Kabilang siya sa 16 na iligal na dinakip ng mga pwersa ng estado noong Disyembre 2020. Ang mga pag-arestong ito ay kasabay sa tinaguriang Tumandok masaker kung saan napaslang ang siyam na katutubong lider.

Nakikitang dahilan ng pagsalakay ng militar sa kanilang komunidad ang matagal na nilang pagtutol sa pagtatayo ng mapanirang Jalaur River Multipurpose Project – Stage II (JRMP II) sa Calinog, Iloilo.

Palalayasin ng naturang proyektong dam ang tinatayang 17,000 katutubong Tumadok sa kanilang lupang ninuno at maglulubog sa may 16 na komunidad. Nilalabanan ng mga Tumandok ang pang-aagaw sa kanilang lupang ninuno at ang tiyak na pagpapalayas sa kanila ng proyekto mula rito.

Kinilala at pinasalamatan ng Defend Panay Network ang ang pagsisikap nina Msgr. Meliton Oso ng Jaro Archdiocesan Social Action Center, kanyang mga istap at abugado sa pagtatanggol at pagtitiyak ng pansamantalang paglaya ni Tay Dolping mula sa kulungan.

Pinahintulutan ng korte si Tay Dolping na makapagpyansa matapos nitong makitang hindi malakas ang ebidensya laban sa kanya.

Gayunman, ayon sa grupo, “ang arbitraryong pag-aresto at detensyon sa kanya ay labis na inhustisya na dapat matugunan.” Dapat umanong mapaimbestigahan at maisakdal ang mga pulis at militar na sangkot sa kasong ito.

Sa huli, pinagtibay ng grupo ang kanilang panawagan sa korte na ibasura ang lahat ng mga kaso laban kay Tay Dolping at lahat ng mga bilanggong pulitikal sa Panay.

AB: Bilanggong pulitikal sa Panay, napalaya