Brutal na masaker ng US-Israel sa isa pang "ligtas na sona" sa Gaza, umani ng mariing pagkundena

,

Isa na namang “ligtas na sona” sa Gaza ang brutal na inatake ng US-Israel noong Hulyo 13.

Inulan ng US-Israel ng mga bomba mula sa ere ang al-Mawasi, isang sentro ng ebakwasyon kung saan nakasukob ang 80,000 bakwit na Palestino, sa hangganan ng Khan Younis at Rafah. Nagresulta ito sa pagkamatay ng 90 Palestino at pagkasugat ng mahigit 300 pa. Limang bomba at limang misayl ang ibinagsak sa mga tent ng mga nasawi. Tinamaan rin ang pasilidad ng maiinom na tubig ng mga bakwit.

Mariing kinundena ng Hamas ang pambobomba sa lugar. “Litaw at malinaw itong kumpirmasyon mula sa Zionistang gubyerno na magpapatuloy ito sa kanyang gera ng eksterminasyon laban sa mamamayang Palestino sa pamamagitan ng paulit-ulit at sistematikong pagtarget sa walang kalaban-laban na mga napalayas nang mga sibilyan na nakasukob sa mga tent, shelter at mga residensyal na lugar,” ayon sa Hamas.

Ang mga pang-aatake ng US-Israel sa mga “ligtas na sona” ay paulit-ulit nang ginagawa ng mga pwersang Isreali sa pagdadahilang ginagamit ng Hamas ang mga sibilyan bilang mga “human shield” o pananggalang. “Ginagamit ito (ng Israel) para bigyan-katwiran ang pagpatay sa puu-puong mga sibilyan,” ayon sa mga mamamahayag na nasa Gaza na saksi sa gayong mga pang-aatake.

Bago ang huling pang-aatake, 21 katao ang napatay nang binomba ng Israel ang mga tent ng mga bakwit sa al-Mawasi noong Mayo. Noong Hunyo naman, 274 sibilyan ang pinatay ng US-Israel sa Nuseirat refugee camp.

Kinundena rin ng United Nations (UN) ang pinakahuling masaker na ito sa Gaza. Nanawagan ito para sa paggalang sa makataong batas, kabilang ang mga prinsipyo ng “pag-iiba, paggamit ng angkop na lakas at pag-iingat sa anumang atake sa lahat ng panahon.”

Nagpahayag din ng mariing pagkundena sa nangyari ang mga gubyerno ng Malaysia, Colombia, Oman, United Arab Emirates, Iran at Qatar. Tulad sa amo nitong imperyalistang US, walang pagkundena ang rehimeng Marcos sa huling krimen na ito ng Zionistang Israel.

AB: Brutal na masaker ng US-Israel sa isa pang "ligtas na sona" sa Gaza, umani ng mariing pagkundena