Bumibisitang asawa ng bilanggong pulitikal sa Negros, inaresto sa kulungan

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Binatikos ng Kapatid, grupo ng mga kaanak at kaibigan ng mga bilanggong pulitikal, at nanawagan para sa kagyat na independyenteng imbestigasyon sa nangyaring pag-aresto kay Pertinisa Jereula Charita, 55, habang bumibisita sa kanyang asawa sa kulungan sa San Carlos, Negros Occidental noong Pebrero 13. Ayon sa Human Rights Advocates Negros (HRAN), pinalalabas ng mga pulis na nakumpiska kay Charita ang isang kalibre .22 pistola nang kapkapan.

Si Charita, kasapi ng Kapatid-Negros at National Federation of Sugar Workers (NFSW), ay asawa ni Leon Charita na inaresto noong Setyembre 2019 sa kasong illegal possession of firearms and explosives. Kasama ni Pertinisa ang kanyang mga anak at apo nang bumisita kay Leon para gunitain ang kanyang kaarawan sa loob ng kulungan.

“Nananawagan ang Kapatid na ibasura ang gawa-gawang kaso laban kay Pertinisa Charita at kagyat siyang palayain,” ayon sa pahayag ng Kapatid. Wala umanong ni katiting na lohika ang sinasabi ng mga pulis na nakakumpiska sila ng pistola mula sa ginang. “Walang lohikal na rason kung bakit ipapahamak ni Pertinisa ang kanyang sariling kalayaan at kaligtasan ng kanyang pamilya sa pagdadala ng baril sa pasilidad,” pagdidiin ng grupo.

Giit nila, hindi siya nagkasala kundi biktima ng mga gusto siyang parusahan sa pagsisiwalat ng katotohanan tungkol sa kalagayan ng karapatang-tao, mga pag-abuso at panunupil sa tabing ng kampanyang kontra-insurhensya ng rehimeng Marcos. Si Pertinisa ay kabilang sa mga humarap at nakipanayam kay UN Rapporteur on Freedom of Opinion and Expression Irene Khan nang bumisita sa Cebu City kamakailan.

Pahayag naman ng HRAN, ang sirkumstansya nang pag-aresto kay Pertinisa ay nagpapakita ng “frame-up” at bagong modus operandi para gipitin at takutin ang mga pamilya ng mga bilanggong pulitikal.

AB: Bumibisitang asawa ng bilanggong pulitikal sa Negros, inaresto sa kulungan