Buwan ng Pakikiisa sa mamamayan ng India kontra Operation Kagaar, idineklara ng PKP

, ,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Idineklara ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Buwan ng Pakikiisa sa mamamayang Indian sa paglaban sa pasistang Operation Kagaar at sa terorismo ng rehimeng Modi. Tugon ito ng Partido sa panawagan ng Communist Party of India (Maoist) noong Mayo para sa malawakang pagkilos at suporta laban sa naturang operasyon. Magsisimula ang Buwan ng Pakikiisa mula Hunyo 20 hanggang Hulyo 20.

Ang Operation Kagaar ay isang operasyong militar na ipinatutupad ng reaksyunaryong sentral at pang-estado na gubyerno ng India. Sinimulan itong ipatupad noong Enero sa bahagi ng Central India laban sa armadong pakikibaka na pinamumunuan ng CPI (Maoist). Bahagi ito ng mas masaklaw pang operasyong kontra-insurhensya na Operation SAMADHAN-Prahar na sinimulan noong 2017.

Simula Enero hanggang Mayo ngayong taon, hindi bababa sa 130 sibilyan at mga rebolusyonaryo ang ekstra-hudisyal na pinaslang sa ilalim ng operasyong ito.

Sa direktang salin, nangangahulugan ang salitang kagaar ng “katapusan.” Ayon sa estado ng India, layunin nito na tuluyan nang wakasan ang armadonag rebolusyonaryong kilusan ng mamamayang Indian. Nakatuon ang operasyon sa Abujhmaad (Maad), isang mabundok at magubat na rehiyon sa timog ng estado ng Chhattisgarh, na sinsabing “kuta ng mga Maoista.” Ito ay lantarang sinusuportahan at sinusulsulan ng mga monopolyo kapitalistang kumpanya at imperyalistang kapangyarihan.

“Tinatawagan ng Komite Sentral ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa at sambayanang Pilipino na ipamalas sa iba’t ibang paraan ang pagsuporta sa pakikibaka ng mamamayan ng India sa tumitinding brutal na gera ng panunupil at kampanyang kontra-insurhensya ng reaksyunaryong estado ng India,” pahayag ng pamunuan ng PKP.

Sa unang bugso ng Operation Kagaar noong Enero, pinakilos ng gubyerno ng India ang 10,000 pwersang paramilitar. Ang 3,000 dito ay mula pa sa ibang estado ng India para ibuhos sa Maad. Ipinakat sila sa anim na kampong paramilitar sa lugar. Sa gayon, mayroong tatlong paramilitar sa kada pitong lokal na residente sa lugar na iyon.

Tulad sa Pilipinas, kinatatangian ang operasyon ng papatinding paggamit ng malawakang pambobomba at pagtarget sa mga sibilyang komunidad. Binibigyang daan ng militarisasyon sa Maad ang pagpasok ng malalaking mga operasyong pagmimina, mga mapanirang dam at mga dayuhang korporasyon.

“May pagsasabwatan ang kapwa pasistang rehimen ni Modi at ni Marcos,” ayon sa Komite Sentral. Noong Abril 19 lamang, dumating sa Pilipinas ang unang bats ng BrahMos missile weapon systems mula sa India na nagkakahalagang $375 milyon o ₱18.9 bilyon at binayaran gamit ang pondo ng bayan. Ginagamit ang buwis ng mamamayang Pilipino para busugin ang malalaking kapitalistang gumagawa ng armas sa India at suportahan ang rehimeng sumusupil sa mamamayang Indian.

“Sa harap ng pasistang panunupil, nagpapatuloy ang pakikibaka ng mamamayang Indian at mamamayang Pilipino. Kapwa nila ipinamamalas ang kagitingan sa paglaban sa terorismo at pang-aapi, puno man ng pasakit at sakripisyo. Libu-libong kilometro man ang pagitan, ang pakikibaka ng masang Indian at masang Pilipino ay nagsisilbing inspirasyon sa bawat isa,” pahayag ng Komite Sentral.

Napakahalaga, ayon sa pamunuan ng Partido, na magkaisa ang mamamayan ng India at sambayanang Pilipino sa gitna ng mundong niyayanig ng mga gerang sinindihan, sinulsulan o sinusuportahan ng mga imperyalista upang isulong ang kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya. “Ang pagpapalaya ng kani-kanyang bansa mula sa imperyalistang pang-aapi at dominasyon ay magsisilbing hindi matatawarang ambag sa pandaigdigang pakikibaka laban sa imperyalismo at para sa kalayaan at sosyalismo,” pagtatapos ng Komite Sentral.

AB: Buwan ng Pakikiisa sa mamamayan ng India kontra Operation Kagaar, idineklara ng PKP