"Clearing operations" ng US Army sa Basco Port sa Batanes, para sa pang-uupat ng gera kontra China

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Inianunsyo ng lokal na gubyerno ng Batanes noong Hunyo 7 ang upisyal na pagtatapos ng “clearing operations” na isinagawa ng US Army sa Basco Port sa Barangay Chanarian, Basco. Pinalalabas ng US Army at ng lokal na gubyerno na para ito sa ikabubuti ng mga dadaong na mga barko at bangka ng mga mangingisda sa pyer. Ang totoo, inilatag ito ng US sa Batanes para palakasin ang presensya nito sa prubinsyang pinakamalapit sa Taiwan. Nakabalangkas ito sa pang-uupat ng US ng gera kontra sa karibal na China.

Ang Basco Port ay ang tanging pyer papunta sa mga isla sa hilagang bahagi ng Batanes, kabilang ang Mavulis Island. Ang islang ito ay may layo na lamang na 128 kilometro sa Cape Eluanbi, ang pinakatimog na parte ng isla ng Taiwan. Mas malapit na ito sa Taiwan kaysa Luzon. Ito na ang pinakadulong bahagi ng Pilipinas na maaaring tayuan ng US ng mga pasilidad militar, daungan at lagakan ng gamit-militar para maging lunsaran sa itinutulak nitong digma sa China.

Sinimulan ng mga tropa ng 130th Engineer Brigade ng US Army at ng mga tauhan nito sa 525th Combat Engineer Battalion ng Philippine Army ang pagtatanggal ng mga bato at iba pang harang sa Basco Port noong Abril 6 bilang bahagi ng Salaknib at Balikatan 2024 war games. Gumamit sila ng mga pampasabog, makinaryang pambutas at jackhammer para dito na gumambala sa ekosistema ng karagatan.

Todo ang pagpapakatuta ni Batanes Governor Marilou Cayco sa pagpapasalamat sa imperyalistang US sa “kawanggawa” ng pagtugon sa “matagal nang isyu ng mga may-ari ng bangka at barko na matutulis na bato sa Basco Port.”

Sa tabing ng limitadong pondo ng lokal na gubyerno, si Governor Cayco mismo ang “humingi ng tulong” sa militar ng US na pamalagiang gumagambala sa Batanes para sa Balikatan war games. Ito ay ipinagsumamo ni Cayco sa naging pulong niya kay Mary Kay Carlson, US Ambassador to the Philippines sa embahada ng US sa Maynila.

Nagsagawa pa ng programa ng pagpapasalamat ang gubernadora sa US Army at Armed Forces of the Philippines para sa proyekto. Ipinagdiinan niya dito na ang pagtutulungan ng US at AFP ay patunay ng patakarang “kaibigan ang Batanes ng lahat,” kahit pa isinasapanganib ng presensyang militar ng US ang Batanes sa harap ng umiinit na tensyon sa pagitan nito at ng karibal na China.

Ang presensyang militar ng US sa Batanes hanggang sa kasalukuyan ay patunay na pamalagiang mayroong presensyang dayuhan sa bansa. Sa kabila ito ng natapos nang Balikatan war games noong Mayo 9. Samantala, isasagawa ng mga pwersa ng Philippine Air Force (PAF) at US Air Force sa darating na Hunyo 17-28 ang walang katuturang Cope Thunder war games sa bansa.

AB: "Clearing operations" ng US Army sa Basco Port sa Batanes, para sa pang-uupat ng gera kontra China