Daan-daang estudyante, nag-walk out sa Cebu

Higit tatlong daang kabataan at estudyante ang lumahok sa walk-out sa mga pamantasan sa Cebu City ngayong araw, Nobyembre 20, para ipaglaban ang karapatan sa edukasyon at tuligsain ang walang tigil na panunupil ng mga pwersa ng estado. Mula sa kani-kanilang pamantasan, nagtipon at nagmartsa ang mga kabataan tungong Fuente Osmeña Circle.

Nakiisa ang mga estudyante mula sa pampubliko at pribadong mga pamantasan sa syudad. Kabilang dito ang mga estudyante, mamamahayag pangkampus, konseho ng mag-aaral at mga progresibong organisasyon mula sa University of the Philippines-Cebu (UPC), University of San Carlos (USC) Main Campus, University of Cebu (UC), Southwestern University (SWU), University of San Jose-Recoletos (USJ-R), Cebu Institute of Technology-University (CIT-U), at Cebu Normal University (CNU).

Bago nagtungo sa sentral na programa sa Fuente Osmeña Circle, naglunsad ng programa ang mga estudyante ng UP-Cebu sa loob ng kampus. Binatikos nila ang kaltas-pondo sa mga pampublikong unbersidad at kolehiyo (SUC) sa panukalang badyet para sa 2024. Giit din nilang ipagtanggol ng pamantasan ang akademikong kalayaan at labanan ang tangka ng mga pwersa ng estado na manghimasok sa kampus. Apektado rin ng kaltas-pondo ang CNU.

Naglunsad din ng hiwalay na programa ang mga mag-aaral ng USC na dinaluhan ng mga kalapit na unibersidad. Ipinabatid ng konseho ng USC ang pagtutol nila sa tumitinding komersyalisasyon sa edukasyon sa mukha ng ppagtataas ng matrikula at iba pang mga bayarin. Binatikos nila ang mga mapanupil na patakarang ipinatutupad ng kani-kanilang administrasyon sa pamantasan.

“Hinahamon ko ang mga kapwa kabataan na magpatuloy sa pagpapakita ng interes at pangarap na baguhin ang bulok na sistema,” pahayag ni Kei Galon, tagapangulo ng Anakbayan Cebu, sa wikang Cebuano.

Ipinabatid din ng mga kabataan ang suporta nila sa inilulunsad na tigil-pasada ng mga drayber at opereytor ng dyip na tutol sa pag-phaseout ng dyip na tiyak na papatay sa kanilang kabuhayan.

AB: Daan-daang estudyante, nag-walk out sa Cebu