Sa Pandaigdigang Araw ng mga Guro Daan-daang guro, nagprotesta para sa dagdag-sweldo at benepisyo

Sa kabila ng pag-ulan, nagmartsa ang daan-daang guro kahapon, Oktubre 5, mula sa University of Santo Tomas tungong Mendiola sa Maynila bilang pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Guro. Sa pangunguna ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) at mga unyon sa ilalim nito, iginiit nila ang dagdag-sweldo, sapat na pondo sa edukasyon at serbisyong panlipunan, sapat na benepisyo, disenteng kalagayan sa paggawa, at paggalang sa mga batayang karapatan ng mga edukador.

Anang mga grupo, napapanahon at nararapat nang itaas sa ₱50,000 ang entry-level na sahod ng mga guro sa parehong pampubliko at pribadong mga eskwelahan sa harap ng patuloy na pagsirit ng presyo ng mga bilihin at tumataas na kinakailangang halaga para mabuhay. Dapat din umanong ibigay ang ₱33,000 minimum na sweldo para sa lahat ng mga manggagawa sa sektor ng edukasyon.

Tinatayang nasa 800,000 ang pampublikong guro sa bansa, habang mayroong 300,000 gurong nasa pribado at 60,000 ang instruktor sa state universities and colleges at tagapagsanay sa technical-vocational na kurso.

Dagdag dito, giit nilang kagyat nang solusyunan ng Department of Education at rehimeng Marcos ang taunang kakulangan ng klasrum. Ngayong taon, tinatayang nasa 159,000 klasrum ang kulang, 189,324 ang sira at kailangang kumpunihin at 21,727 ang di na magamit.

Binatikos ng mga guro ang napakalaking badyet para sa confidential at intelligence funds na ginastos noong 2022 at nakalaang badyet para sa 2024 ng upisina ni Sara Duterte, bise presidente at tumatayong kalihim ng DepEd.

“Ang maanomalyang pondong ito ay dapat ipahinto at dapat ilipat sa batayang serbisyo tulad ng sektor ng edukasyon,” ayon sa ACT. Dagdag nila, nakahihiya at kabastusan ang paggastos ni Duterte ng ₱125 milyong confidential fund sa loob lamang ng 19 na araw habang ang mga guro ay nasasandal sa pader at ginagawa ang lahat para lang gastusan ang pangangailangan sa kanilang mga klasrum.

AB: Daan-daang guro, nagprotesta para sa dagdag-sweldo at benepisyo