Balita

Daan-daang kabataang Pilipino, nagtipon sa kumperensya sa US

,

Nagsama-sama mula sa iba’t ibang bahagi ng United States ang mga kabataang Pilipino sa inilunsad nilang ikatlong Kabataan Magkaisa Conference at pangkalahatang asembleya ng Kabataan Alliance noong Oktubre 5-6 sa University of California, Los Angeles, California. Tinatayang higit 450 kabataan mula sa 113 organisasyon ang lumahok sa naturang pagtitipon.

Sa temang “Kabuhayan, Karapatan, at Ating Kinabukasan, Ipaglaban!”, tinalakay sa kumperensya ang mga isyung panlipunan at kalagayan ng mga Pilipino sa Pilipinas at ibayong-dagat. Nagkaroon iba’t ibang mga talakayan at aktibidad sa dalawang araw na kumperensya.

Unang inilunsad ang kumperensya noong Enero 2016, na sinundan noong Setyembre 2017 kung saan kasabay na itinatag ang Kabataan Alliance. Ang pagtatatag ng alyansa ay pinangunahan ng National Alliance for Filipino Concerns (NAFCON), Anakbayan-USA, at Northern California Pilipinx American Student Alliance (NCPASA).

Ayon sa Anakbayan-USA, itinaon ang pagtitipon sa pagdiriwang sa Filipino-American History Month. “Pinagtibay namin ang aming tungkulin bilang kabataan at mga estudyanteng Pilipino sa ibayong dagat sa pagpapatuloy ng kasaysayan ng paglaban para sa ganap na malaya at demokratikong Pilipinas,” pahayag ng grupo.

Ibinahagi ng mga panauhing tagapagsalita at lider ng mga organisasyon sa kumperensya ang kanilang mga karanasan sa pag-oorganisa at mga adbokasiya. Kabilang sa pinagtibay ng kumperensya ang pagsuporta ng mga kabataang Pilipino sa laban ng mga manggagawa, pagsuporta sa pakikibaka ng mga Palestino, at pagkundena sa militarisasyon at pagtutulak ng imperyalismong US ng gera sa Pilipinas.

“Tayo bilang kabataan ang magmamana sa mundo, at bilang makapangyarihang pwersang panlipunan para sa pagbabago, dapat nating ipagpatuloy ang pamana ng paglaban para sa pambansang demokrasya bilang tunay na solusyon sa mga isyung kinahaharap hindi lamang ng mga kabataan kundi ng masang anakpawis,” pahayag pa ng Anakbayan-USA.

AB: Daan-daang kabataang Pilipino, nagtipon sa kumperensya sa US