Balita

Dagdag-badyet para sa pagkain at gamot, panawagan ng mga detenido sa Negros

,

Nagpetisyon kamakailan ang mga detenido sa Negros Occidental District Jail (NODJ) sa Bago City na dagdagan ang kanilang badyet para sa pagkain at gamot sa loob ng bilangguan sa susunod na taon. Higit 700 mga detenido ang pumirma sa petisyong ipinadala sa pitong kongresista na kumakatawan ng mga distrito sa Negros.

Panawagan ng mga detenido na gawing ₱100/araw ang badyet kada isa para sa pagkain mula sa kasalukuyang ₱70 kada araw. Dapat din umanong itaas ang ₱14 arawang badyet kada detenido para sa gamot tungong ₱30 kada araw.

Inihain nila ang petisyon para itulak ang kongreso at senado na tugunan ang panawagan sa dagdag-badyet sa harap ng mga talakayan sa panukalang pambansang badyet sa susunod na taon.

“Huwag sana ninyo kaming kalimutan at ang aming mga pamilya sa inyong pagsasabatas sa General Appropriations Act of 2025,” saad ng petisyon. Huling dinagdagan ang badyet para sa pagkain at gamot ng mga detenido noon pang 2018.

“Ang napakaliit naming badyet para sa pagkain at gamot ay nagdadala ng dagdag na pahirap sa aming mga detenido at aming mga pamilya,” nila. Dahil sa kakulangan, napipilitan ang mga kaanak ng mga detenido na magpadala ng karagdagang pagkain at suplay sa kanila.

Hindi bababa sa 4,000 ang bilanggo sa buong prubinsya ng Negros Occidental, na bahagi ng kabuuang 180,000 sa buong bansa. Kabilang sa kanila ang mahigit 800 na detenidong pulitikal. Nakapailalim sila sa Bureau of Jail Management and Penology.

AB: Dagdag-badyet para sa pagkain at gamot, panawagan ng mga detenido sa Negros