Dagdag na kumpensasyon at bayad sa obertaym, giit ng mga guro

Muling ipinanawagan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang pagtatanggal sa ipinapataw na 20% buwis sa honorarium o bayad na tinatanggap ng mga guro sa pagsisilbi tuwing eleksyon. Anito, napakaliit na ng ibinigay na honorarium at alawans sa mga Board of Election Inspector (BEI). Nanawagan din ang grupo na bayaran ang obertaym na trabaho ng mga guro.

“Hindi naman kalabisan ang kahingian ng mga guro na huwag nang buwisan pa ang election service honoraria (bayad sa serbisyo sa eleksyon),” ayon kay Vladimer Quetua, tagapangulo ng ACT. Aniya, labis na matrabaho ang bilangan ng boto nitong Barangay at SK election at ang iba pa nga ay umabot nang hanggang kinabukasan.

“Napakalaking bagay ang ikakaltas na ₱1,800 hanggang ₱2,000 buwis sa kumpensasyon na dapat sana ay mapakikinabangan naming mga guro na karamihan ay nagtrabaho nang lampas 24 oras. Labis-labis ang oras na iginugol ng mga guro mula sa paghahanda bago pa man ang araw ng eleksyon hanggang sa pagsusumite ng election returns. Pagod, puyat, at may ilan pang nakaranas ng pandarahas nitong eleksyon kaya marapat lamang na ibigay ito nang buo,” giit ni Quetua.

Anang grupo, pumasa na sa kongreso at senado noong 2022 ang panukalang ilibre sa buwis ang bayad sa eleksyon na inihain ng ACT Teachers Partylist at apat na taong ipinaglaban ng mga guro. Nakadidismaya umano na ibinasura ito ni Marcos pagkaupong pagkaupo sa pwesto.

Pagkakaso sa mga guro

Sinagot naman ng ACT ang kamakailang pahayag ng kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na si Benjamin Abalos Jr na suportado nito ang plano ng Comelec na kasuhan ang mga guro na umatras sa pagseserbisyo sa eleksyon.

“Hindi dapat banta ng pagkakaso, kundi pag-unawa, ang ihain ng gubyerno sa mga gurong may lehitimong dahilan kung bakit piniling ilayo ang sarili sa posibleng banta sa buhay at seguridad lalo pa kung bunga ito ng karanasan mula sa nakaraang mga eleksyon at sa kasalukuyang lagay ng kanilang lokalidad,” pahayag ni Quetua.

Aniya, hindi naman siguro aatras ang mga guro kung hindi ito usapin ng buhay o kamatayan. Dapat umanong siniguro ng COMELEC at DILG noong una pa lamang ang proteksyon at seguridad ng mga guro mula paghahanda hanggang mismong eleksyon para napanatag ang loob ng mga guro.

“Dapat na magtakda at bigyang-ngipin ang batas na magpuprotekta sa mga guro, at patawan ng mabigat na parusa ang mga lalabag at maghahasik ng karahasan sa panahon ng eleksyon. Mismong mga nagsilbing BEI ay nakaranas ng panghaharas mula sa mga tagasuporta at watchers ng mga kandidato,” ayon kay Quetua. Aniya, “overworked, underpaid, at under attack” ang mga guro sa ilalim ng rehimeng Marcos at kahit bago pa nito.

AB: Dagdag na kumpensasyon at bayad sa obertaym, giit ng mga guro