Dagdag-sahod, karagdagang benepisyo, panawagan ng mga manggagawa ng SLEX
Tumigil sa trabaho at operasyon ang mga manggagawa ng South Luzon Expressway (SLEX) sa Manila Toll Expressway System Inc (MATES) noong Abril 4 para igiit ang dagdag-sahod at karagdagang mga benepisyo. Itinirik ng unyon ng mga manggagawa ang isang welga sa tabi ng expressway sa bahagi ng northbound lane at doon naglunsad ng programa.
Nanindigan ang mga manggagawa at unyon para sa kanilang karapatan sa harap ng apat na taon nang kawalan ng makabuluhang dagdag-sahod at benepisyo mula sa pamunuan ng SLEX. Liban dito, ipinaglalaban ng mga manggagawa ang pagbalik sa trabaho ng mga manggagawang iligal na tinanggal, at ang pag-usad ng dalawang taon nang negosasyon para sa Collective Bargaining Agreement (CBA).
Ayon sa isa sa mga manggagawang nagtalumpati sa programa, nais nilang ipahayag sa pamunuan ng SLEX at Department of Labor and Employment (Dole) “ang kanilang pakikibaka, ang ipinaglalaban ng unyon, proteksyunan ang trabaho at itaas ang kanilang mga benepisyo.”
Humingi sila ng suporta at pang-unawa sa mga motoristang nagdaraan sa SLEX. Saad pa ng manggagawa, “sana po ay maunawaan ninyo rin ang kalagayan ng iba pang mga manggagawa katulad ng mga nasa SLEX.” Bumusina ang dumaang mga motorista at drayber ng truck bilang pagsuporta sa mga manggagawa.
“Ngayon, alam na po ninyo, marami na ang nakakaalam kung paano maghandle ang SLEX…lantaran na po na panggigipit ang ginagawa nila,” ayon pa sa kanyang talumpati.
Pinatutungkulan nito ang sadyang pag-antala ng pamunuan ng SLEX sa negosasyon para sa CBA. Aniya, umuupo ang pamunuan sa negosasyon pero walang laman ang alok nito para sa mga manggagawa at sa CBA. Pinahihina din ang pamunuan ang unyon sa pamamagitan ng iligal na tanggalan kabilang ang pagbuwag sa isang departamento na apektado ang hindi bababa sa 10 manggagawa.
“Hangga’t hindi po ito nareresolba, patuloy kaming magsasagawa ng kilos-protesta,” aniya. Tinangka silang pigilan at pahintuin ng pamunuan ng SLEX. Liban pa, naiulat din ang pagdating ng mga panghaliling empleyado at patroller para kontrolin ang daloy ng trapiko sa SLEX.
Sa araw ng welga, mayroong dumating na mga taga-DOLE. Umaasa ang mga manggagawa na matutugunan ang kanilang hinaing at umusad ang negosasyon para sa CBA.
Nagpahayag ng suporta para sa mga manggagawa ng SLEX ang lider-transportasyon at kandidato sa pagkasenador na si Mody Floranda. Aniya, habang nagkakamal ng napakalaking kita ang SLEX mula sa pribatisasyon at pagtaas ng singil sa toll fees ay binabarat naman ang sahod at benepisyo ng mga manggagawa nito.
Noong 2024, nagtaas ng singil ang SLEX sa toll fees, at kumita ng abot ₱3.96 bilyon mula dito noong unang hati pa lamang ng 2024. Ang SLEX ay isang pribadong highway na nakapailalim sa San Miguel Corporation, kung saan ang kasalukuyang CEO ay si Ramon Ang. Pang-apat si Ang sa pinakamayamang negosyante sa bansa. Ayon sa Forbes, umaabot ang kanyang net worth sa $3.8 bilyon.