Dagdag-sweldo, iginiit ng unyon ng mga guro sa Bacolod City

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Nagsagawa ng aktibidad ang mga guro at istap ng Bacolod City National High School (BCNHS) noong Pebrero 26 sa loob ng kanilang eskwelahan para suportahan ang panawagan ng mga guro sa bansa na itaas ang sweldo ng sektor tungong ₱55,000. Pinangunahan ang aktibidad ng BCNHS Faculty and Staff Union (FASU).

Kasabay ng kanilang flag-raising ceremony, nagpormang hugis ’50K’ ang mga guro bilang kanilang panawagan para itaas ang sweldo. Giit nila, makatarungan lamang umanong bigyan ng dagdag-sweldo ang mga guro sa harap ng nagtataasang mga presyo at mga singilin. Panawagan din nilang gawing ₱33,000 ang pasahod para sa mga non-teaching personnel.

Nakiisa sa aktibidad si BCNHS FASU President Marilyn Lecciones. Dumalo rin sa pagtitipon si BCNHS Principal at Bacolod City Public School Teacher’s Federation (BCPSTF) President Mr. Richard M. Gelangre.

Noong Pebrero 22, inianunsyo ng BCPSTF kasama ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) na magkikilos-protesta ang mga guro sa Bacolod City sa darating na Marso 8, International Women’s Day, para ipanawagan ang dagdag-sweldo.

Nine Bacolod City teachers raising their fist in demand to increase salary.
UPGRADE TEACHERS SALARY. The Bacolod City Public School Teachers Federation and Alliance of Concerned Teachers held a press conference in Bacolod City last February 22 announcing their participation in marking the Int’l Women’s Day on March 8. They join the demand to increase teachers’ salaries nationwide.
Photo screenshot from Aksyon Radyo Bacolod video.

 

Sa panayam ni Mr. Gelangre sa lokal na radyo sa Bacolod City, sinabi niyang mukhang malaki na ang ₱27,000 na tinatanggap na sahod ng mga guro sa kasalukuyan, ngunit sa katotohanan ay napakalaki ng kinakaltas dito at napakaraming pinagkakagastusan ng mga guro. Aniya, halos ₱5,000 na lamang ang talagang naiuuwi ng mga pampublikong guro para sa kanilang pamilya. Dahil dito, nalulubog sila sa utang.

Magmamartsa ang mga guro kasama ang iba pang demokratikong mga sektor sa Marso 8 mula sa Rizal Park tungo sa Fountain of Justice sa Bacolod City.

AB: Dagdag-sweldo, iginiit ng unyon ng mga guro sa Bacolod City