Dalawang indibidwal, hinihinalang dinampot ng militar

Isinapubliko ngayong araw ng grupo sa karapatang-tao na Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) ang balita na hindi matunton ang kinaroroonan nina Dexter Capuyan, isang Bontoc-Ibaloi-Kankanaey na mula sa La Trinidad, Benguet at Gene Roz Jamil De Jesus, residente ng Bulacan. Ayon sa CHRA, ang dalawa ay huling nakontak noong gabi ng Abril 28 habang nasa Taytay, Rizal para magpatingin sa ospital si Capuyan.

Labis ang pag-aalala ng mga kaanak at ng CHRA sa kalagayan at kaligtasan ng dalawa dahil si Capuyan ay inakusahan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na lider umano ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa rehiyong Ilocos-Cordillera at pinatungan ng ₱1,850,000.00 para sa kanyang pagkakadakip.

Liban dito, idinadawit din si Capuyan sa mga kaso ng pagpatay, bigong pag-patay at tangkang pagpatay sa mga sundalo ng AFP noong Pebrero 2015 sa Barangay Namitpit, Quirino, Ilocos Sur.

“Dahil dito, naniniwala kaming nasa kustodiya ng mga pwersa sa seguridad ng estado ang dalawa at natatakot kami para sa kanilang kaligtasan at maayos na kalagayan,” paliwanag ng CHRA. Giit nila, dapat kagyat na ilitaw ang dalawa at igalang ang kanilang mga karapatan at itrato nang makatao.

Samantala, nanawagan din ang grupo at kanilang mga kaanak sa publiko na makatulong sa pagtunton sa kanilang kinaroroonan at paglilinaw sa kanilang lokasyon at sitwasyon.

AB: Dalawang indibidwal, hinihinalang dinampot ng militar