Dambuhalang yaman ng pamilyang Villar mula sa pang-aagaw at ispekulasyon sa lupa, binatikos ng mga magsasaka
Binatikos ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang halos ₱1 trilyong kita na iniulat ng Golden MV Holdings ng pamilyang Villar na sinasabing dahilan ng halos tripleng paglaki ng yaman ni Manny Villar mula sa $6.2 bilyon noong 2024 tungong $17.2 bilyon ngayong taon. Naiulat ang dambuhalang paglobo ng yaman ng mga Villar sa inilabas na listahan ng mga bilyunaryo sa buong mundo ng magasin na Forbes noong Abril 2. Sa Forbes, si Villar ang pinakamayamang Pilipino mula 2019. Sa buong mundo, siya ang ika-117 pinakamayamang tao sa listahang pinangungunahan ni Elon Musk.
Iniulat noong Marso na pumalo ang kita ng Golden MV Holdings sa ₱999.72 bilyon, pangunahing dahil sa ₱1.33-trilyong pagtaas sa halaga ng mga pag-aari nito sa real estate nito. Ito ay sa gitna ng 26% o ₱3.31 bilyon pagbaba ng halaga ng aktwal na naibentang lupa. Sa gayon, pangunahing nagtulak sa pagsirit ng yaman ni Villar ang ispekulatibong pagbibigay-halaga, kasabay ng pang-aagaw ng lupa para sa mga proyektong real estate.
“Ang kita ng Golden MV ay hindi nagmumula sa aktwal na produktibong ekonomya kundi sa pagmamanipula ng halaga ng lupa. Ang ganitong sistema ay lalong nagpapahirap sa maralitang Pilipino, lalo na ang magsasaka at manggagawa,” pahayag ni Danilo Ramos, tagapangulo ng KMP.
Matagal nang notoryus ang mga Villar sa pangangamkam ng lupa at pagpapalayas, laluna ng mga lupang pang-agrikutultura para sa kanilang mga proyektong pabahay, sa kapinsalaan ng milyun-milyong maliliit na magsasaka.
Isa sa pinakahuling kaso ang pagkamkam ng lupa at pagpapalayas ng pamilyang Saul sa kanilang mga bahay sa Pavia, Iloilo noong nakaraang taon. Kinamkam ang lupa sa pamamagitan ng Communities Iloilo Inc, isang subsidyaryo ng Vista Land & Lifescapes Inc ng pamilyang Villar. Tadtad ng mga housing project ng pamilyang Villar ang Pavia at maraming lugar sa Iloilo.
Binigyan-diin ni ng KMP ang pagpapalawak ng negosyo ng mga Villar at ang kasabay na pagpapalawak ng kapangyarihan nito sa pulitika. Tumatakbo ngayong pagkasenador ang anak ni Manny na si Camille, bilang panghalili sa kanyang ina na nasa katapusan na ang termino sa Senado. Isa pang anak, si Mark Villar, ay nakaupo bilang senador hanggang 2028.