Balita

Dating lider ng Kadamay, pinalalabas na 'sumurender' sa RTF-Elcac

,

Kinundena ni Nenita Tugna, dating tagapangulo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Kalibo ang pagpapakalat ng kasinungalingan sa Facebook ng Regional Task Force (RTF)-Elcac na siya diumano ay ‘nagbalik-loob’ sa gubyerno at pumaloob sa reintegration program ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP).

Sa panayam ni Tugna sa mga programa sa radyo ng Barangay RU 92.9 Super Radyo Kalibo at K5 News FM Kalibo 94.5 noong Setyembre 9, ipinaliwanag niya na wala siyang koneksyon sa rebolusyonaryong grupo at gayundin ang kanyang kinabibilangan na organisasyon na Kadamay, taliwas sa ipinakakalat ng RTF-Elcac.

“Bakit ako mag-babalik loob sa gubyerno? Ano ako, NPA? May armas ba ako para magbalik-loob sa gubyerno?” pahayag ni Tugna.

Kinundena rin ni Tugna ang malisyosong pag-ugnay sa kanyang anak na si Kim Sin Tugna sa rebolusyonaryong kilusan. Aniya, gawa-gawa lamang ang sinasabing larawan na narekober diumano sa isang engkwentro sa Tapaz, Capiz. Ang nakababatang Tugna ay lider ng Bagong Alyansang Makabayan-Aklan.

Nagpahayag rin ng pagkundena si Kim sa ginawang pagpapakalat ng malisyosong kwento ng RTF-Elcac tungkol sa kanya. “Sa pagpapakalat ng RTF-Elcac sa midya, nagpapakita ito kung gaano sila kasinungaling at desperado na patahimikin ang mga naninindigan laban sa kawalan ng hustisya at korapsyon,” aniya.

Ayon kay Kim, ilang beses nang pabalik-balik ang mga elemento ng militar sa bahay ng kanyang ina para kumbinsihin ito na “magpa-clear” ng kanyang pangalan dahil sa akusasyon na rekruter at myembro siya ng rebolusyonaryong grupo. Dahil sa takot para sa kanyang seguridad at iniindang sakit, napilitan siyang lumagda para klaruhin na hindi siya myembro ng rebolusyonaryong grupo.

Kasalukuyang nagkakampo ang mga sundalo ng militar na naglulunsad ng Civil Military Operations (CMO) sa barangay Briones, Kalibo, kung saan nakatira ang nakatatandang Tugna. Ayon sa mga residente, tinitiktikan ng mga sundalo ang mga lider at myembro ng mga progresibong grupo sa barangay at hinikayat sila na tumiwalag sa organisasyon.

AB: Dating lider ng Kadamay, pinalalabas na 'sumurender' sa RTF-Elcac