Dating upisyal ng sentrong unyon ng manggagawa, naiulat na nawawala
Nagpapahayag ng matinding pagkabahala ang Kilusang Mayo Uno (KMU), sa ulat na nawawala ang dati nitong upisyal sa impormasyon na si James Jazmines, 63. Huli siyang nakita sa Barangay San Lorenzo, Tabaco City, Albay noong Agosto 23. Kapatid si Jazmines ng konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Alan Jazmines.
Ayon sa kanyang mga kaanak, hindi pa rin siya natutunton hanggang sa kasalukuyan. Katuwang ng pamilyang Jazmines ang mga grupo sa karapatang-tao at mga kaibigan sa paghahanap sa biktima.
“Ang mga myembro ng pamilyang Jazmines, kabilang si James, ay dumanas ng pagmamanman, pagbabanta at panghaharas sa nagdaang mga dekada dahil sa walang tigil na operasyong militar para tuntunin si Alan at arestuhin siya,” pahayag ni Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng Karapatan.
Pagbabahagi pa niya, maging ang asawa ni James ay naging target ng mga pag-atakeng ito. “Ang asawa ni James, isang manggagawang pangkaunlaran, ay ilang beses na-red-tag noong nakaraang taon,” dagdag pa ni Palabay.
Bago magsilbi sa mga manggagawa bilang propagandista ng KMU noong 1988 hanggang 1992, naging patnugot si James ng Commitment, ang pahayagan ng League of Filipino Students, at executive director ng Amado V. Hernandez Resource Center. Mula kalagitnaan ng dekada 2000, naging tagapayo siya sa mga usaping information technology at dito na nagtrabaho.
Nagtapos si James ng hayskul sa Philippine Science High School noong 1978 at nag-aral ng BS Psychology sa University of the Philippines-Diliman.
Malakas ang paniniwala ng KMU na sangkot ang Armed Forces of the Philippines, National Task Force-Elcac at iba pang mga ahensya ng rehimeng Marcos sa pagkawala ni James.
Ayon naman sa Karapatan, posibleng bahagi ito ng taktika ng estado para pasukuin ang kapatid niyang si Alan na matagal nang tinutugis ng estado o taktikang “palit-ulo.”
Panawagan ng grupo, “dapat ilitaw si James nang ligtas…para muling makasama ang kanyang pamilya.”