Alyansa para igiit ang pagpalitaw sa lider-manggagawa, inilunsad sa Davao
Pormal na inilunsad ang Surface William Lariosa Network noong Abril 5, isang araw bago ang anibersaryo ng kanyang pagkawala. Huling namataan si Lariosa, beteranong organisador ng Kilusang Mayo Uno, sa Barangay Butong, Quezon, Bukidnon noong Abril 10, 2024 kung saan dinukot sya ng mga elemento ng 48th IB. Hanggang ngayon, itinatanggi ng militar na sila ang dumukot kay Lariosa. Isang labor organizer ng Kilusang Mayo Uno (KMU) si Lariosa dinukot ng mga sundalo sa isang komunidad sa Quezon, Bukidnon, isang taon na ang nakararaan.
Nagbigay ng pahayag ang mga anak ni Lariosa sa pagtitipon at kanyang mga kasamahan sa KMU. Bago nito, naghain na sila ng writ of amparo sa Korte Suprema, at humingi na rin ng tunong sa UN Working Group on Enforced or Involuntary Disappearances.
Noong Abril 9, lumahok ang grupo sa protesta na inilunsad ng mga demokratikong organisasyon sa Freedom Park ng Davao City. Layunin nitong patampukin ang mga kaso ng sapilitang pagkawala sa ilalim ng rehimeng Marcos at manawagan ng pagpapanagot sa rehimen.
Ang protesta na isinagawa bilang paggunita sa Araw ng Kagitingan ay nanawagan rin para sa pagtatanggol sa karapatan sa pag-oorganisa at karapatan sa malayang asosasyon. Nanawagan ito para tapusin ang Red-tagging at buwagin ang NTF-Elcac.