"Defend Teacher France Movement," inilunsad ng mga guro
Nagtipun-tipon ang mga guro at iba pa noong Agosto 10 sa Quezon City para ilunsad ang kampanya para ipagtanggol si Teacher France Castro, kinatawan ng ACT Teachers Partylist sa Kongreso at kandidato pagkasenador ng Koalisyong Makabayan. Tinawag na Defend Teacher France Movement, itinutulak nila ang pagbaligtad sa tinawag nilang hindi makatuwirang hatol na maysala ng isang korte laban kay Teacher France at 13 pa sa Talaingod 18 sa kasong child abuse (pang-aabuso ng bata).
Para ipakita ang suporta kay Teacher France, lumagda sila sa isang pahayag ng pakikiisa. Inihayag nila dito ang kanilang galit sa hindi makatarungang hatol noong Hulyo 15 laban sa Talaingod 13. “Nananawagan kami ng mabuting pag-intindi mula sa ating mga korte para mamayani ang katotohanan at hustisya,” ayon sa kanilang pahayag.
Kabilang sa lumagda ang mga lider ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines, ACT National Capital Region Union, University of the Philippines Faculty Regent, mga kabataang Lumad, at iba pang mga mula sa sektor ng edukasyon.
Giit nilang tahasang ibasura ang tinawag nilang hindi makatotohanang kaso ng pang-aabuso ng bata at papanagutin ang tunay na mga lumalabag sa karapatan ng mga Lumad. Sinampahan sila ng kasong ito kaugnay ng pagsaklolo nila sa mga guro at 14 na estudyante ng paaralang Lumad sa Sityo Dulyan, Barangay Palma Gil, Talaingod Davao del Norte noong Nobyembre 28, 2018.
Tiniyak ng grupo na mangangalap sila ng malawakang suporta para sa isinusulong na adbokasiya ni Teacher France. Kabilang na dito ang pagtataguyod sa karapatan ng mga bata at kalayaang makilahok sa pagbibigay ng serbisyo sa higit na mga nangangailangan. Idiniin din nila ang panawagang itigil ang militarisasyon sa mga komunidad ng Lumad.
“Tumitindig kami para kay Teacher France na may napatunayan nang rekord bilang tister-mambabatas, na nagturo sa loob ng 25 taon at nagsilbing tunay na tinig sa kongreso para sa sektor ng edukasyon,” ayon pa sa kanila. Pagdidiin pa ng grupo, ang mga pag-atake laban kay Teacher France ay ituturing din nilang pag-atake sa kanilang hanay bilang mga mamamayang nakikisangkot sa pagtatayo ng isang makatarungan at makataong lipunan.
Samantala, nagsimula na ang pangangalap ng pirma ng mga kasapi ng minorya sa House of Representatives para suportahan si Teacher France. Nasisilbi siya rito bilang House Deputy Minority Leader. Ipinahayag nila ang “lubhang pagkalungkot” sa naging hatol ng korte kay Teacher France at kanilang “pag-asa na sa isang mabunga at mapanghimok na apela ay posibleng mabaligtad ang desisyon.”
Kasama ni Teacher France sa Talaingod 13 sina dating Bayan Muna Representative Satur Ocampo, administrador ng Salugpongan Learning Center na si Eugenia Victoria Nolasco, at mga guro ng paaralang Lumad na sina Jesus Madamo, Meriro Poquita, Maricel Andagkit, Marcial Rendon, Marianie Aga, Jenevive Paraba, Nerhaya Tallada, Ma. Concepcion Ibarra, Nerfa Awing, at Wingwing Daunsay.
Nauna nang nagsagawa ng aktibidad ang iba’t ibang mga organisasyon noong Agosto 3 sa Quezon City para ipahayag ang kanilang pagsuporta sa Talaingod 13. Pinangunahan ito ng Koalisyong Makabayan, Save our Schools Network, Bagong Alyansang Makabayan at Katribu-Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas.