Balita

Deklarasyon ni Marcos na wala nang grupong gerilya sa bansa, pawang panloloko

, ,

Pinasinungalingan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pahayag ni Ferdinand Marcos Jr sa kanyang ika-apat na state of the nation address (SONA) noong Hulyo 28 na “wala nang mga grupong gerilya” sa bansa. Ayon sa Partido, purong panloloko ito laluna at nakapagpupunyagi at nakatatamasa ng malalim at malawak na suporta ng mamamayan sa kanayunan ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at rebolusyonaryong kilusan.

Ipinaliwanag ni Marco Valbuena, upisyal sa impormasyon ng Partido, na simula noong 2017 kasabay ng pagpapatupad ng pinabagsik at brutal na kampanyang paglipol ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay muli nang isinaayos at ipinakat ang mga yunit gerilya ng BHB upang lalo pang palalimin at palawakin ang pag-ugat nito sa mamamayan.

“Isang bagong henerasyon ng mga batang Pulang mandirigma ang patuloy ngayong lumilitaw mula sa hanay ng mga manggagawa, magsasaka, at intelektwal na petiburges,” aniya.

Dagdag pa ni Valbuena, isinusulong ng mga Pulang mandirigma ng BHB ang armadong rebolusyon nang may higit na matibay na determinasyon sa gabay at insipirasyon ng Partido. Matatandaan na nanawagan ng kilusang pagwawasto ang Komite Sentral ng Partido noong Disyembre 2023 na may kaakibat na panawagan ng muling pagpapalakas sa armadong pakikibaka sa kanayunan.

Sa araw ng SONA, ipinahayag rin ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na hindi matitinag ang rebolusyong Pilipino laluna sa harap ng tumitinding krisis sa pulitika at ekonomya sa bansa. “Ang krisis sa Pilipinas—ang kalagayan ng bansa—ang siyang nag-aanak ng mga rebolusyonaryo. Walang anumang gera ng panunupil ang makapipigil sa isang rebolusyon,” pahayag ni Elias Dipasupil, pangkalahatang kalihim ng NDFP.

Aniya, ang mga rebolusyonaryo ngayon ay patuloy na natututo mula sa mga nauna sa kanila at mula sa kanilang sariling mga karanasan. “Habang sumasailalim ang kilusan sa proseso ng pawawasto, pinatatatag ng mga rebolusyonaryo ang kanilang mapanlabang diwa, pinalalalim ang kanilang pag-unawa sa lipunang Pilipino, nilalapit ang sarili sa mga batayang masa, pinalalawak at kinokonsolida ang kanilang mga organisasyon, nagpapakahusay sa taktika ng nagkakaisang prente, at patuloy na sumusulong,” ayon kay Dipasupil.

Samantala, ipinahayag ni Valbuena na tuwirang sinasalungat ng sariling mga hakbang ni Marcos ang kanyang mga pahayag na wala nang grupong gerilya sa bansa. Aniya, sa harap ng paulit-ulit na pag-aanunsyo ng AFP na tututok na ito sa “eksternal na depensa,” mayorya pa rin sa mga batalyong pangkombat nito ang nakapakat laban sa mga larangang gerilya ng BHB sa buong bansa.

Noong nakaraang taon, sa ikatlong SONA ay inianunsyo ni Marcos ang natitirang pitong napahinang gerilya ng hukbong bayan. Anim na buwan makalipas, inianunsyo noong Disyembre 2024 ang isang nalalabing napahingang larangan at hindi bababa sa 1,100 mandirigma ng BHB. Sinasabing nalipol na ang mga ito ngayong Hulyo.

Ayon kay Valbuena, ang engrandeng deklarasyon na ito ni Marcos ay sasabog sa kanyang mukha. “Katulad ng nagdaang mga rehimen na idineklarang dudurugin nila ang BHB, tiyak na mabibigo si Marcos at ang kanyang mga armadong pwersa. Patutunayan ng kasaysayan na ganap na mali si Marcos,” dagdag niya.

Liban dito, ipinagyabang din ni Marcos sa kanyang talumpati ang pakikipagsabwatan ngayon sa pasistang rehimen ng mga traydor sa rebolusyonaryong adhikain ng mamamayan. “Mabuti na ipinakita na nila ang kanilang tunay na makauring kulay, at ngayon ay inilantad na ang kanilang sarili bilang mga kasangkapan ng pasistang rehimen,” pahayag ni Valbuena.

Ayon pa kay Valbuena, sa kabila ng lahat ng makapangyarihang armas na ibinibigay ng US sa rehimeng Marcos ay bigo at mabibigo itong pigilan ang patuloy na muling paglago at paglawak ng BHB, na nananatiling malalim na nakaugat sa mamamayan.

“Sa ilalim ni Marcos, patuloy na lumalala at nagiging mas mapaniil ang tatlong pangunahing problema ng imperyalismo, pyudalismo, at burukratang kapitalismo. Dahil sa papet, pasista at korap na rehimen ni Marcos, patuloy na tumataba ang lupa para sa armadong pakikibaka,” pagtatapos ni Valbuena.

AB: Deklarasyon ni Marcos na wala nang grupong gerilya sa bansa, pawang panloloko