Balita

Demolisyon sa maralitang komunidad sa Davao, tuluy-tuloy na nilalabanan

,

Nagpiket ang mga residente ng Dalat/Purok 47, San Roque, Bangkal, Davao City at Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay)-Davao ngayong araw, Enero 15, para patuloy na labanan at kundenahin ang tuluy-tuloy na demolisyon sa kanilang komunidad. Kahapon lamang, pumasok ang isang backhoe at trak sa loob ng kanilang komunidad na ayon sa mga residente ay gagamitin para gibain ang kanilang mga bahay.

Noong Disyembre 21, 2024, marahas na dinemolis ng higit 100 bayarang maton ang mga kabahayan sa komunidad. Nasugatan dito ang tatlong residente. Itinutulak ng isang pribadong kumpanya na kinakatawan ni Atty. Elisio Braganza ang pagpapalayas sa kanila sa kabila ng kawalan ng ligal na batayan at papeles ng naturang kumpanya.

Sinundan ito ng magkasunod pang demolisyon at pagbabakod sa komunidad noong Enero 8 at 11. Ayon sa Kadamay-Davao, layunin ng pagbabakod na pigilan ang malayang pagpasok-labas at pagkilos ng mga residente sa naturang erya. Nagsama-sama ang mga resdidente, laluna ang mga kababaihan sa komunidad, para pigilan ang mga aksyong ito ng bayarang mga tauhan ng pribadong kumpanya.

Naninindigan ang mga residente na mayroon silang karapatan sa lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay. Anila, naipanalo na nila noong 2013 ang kaso hinggil sa pag-aari ng lupa. Binatikos rin nila ang kawalang-aksyon at kainutilan ng lokal na gubyerno ng Davao City na ipatigil ang demolisyon at palayasin ang nangangamkam ng kanilang lupa.

AB: Demolisyon sa maralitang komunidad sa Davao, tuluy-tuloy na nilalabanan