DepEd, kinastigo ng ACT sa bulok na rice allowance

Kinastigo ng kinatawan ng ACT Teachers party-list ang Department of Education para sa bulok na bigas na ipinamahagi ng ahensya sa mga guro bilang kanilang one-time rice allowance. Bulok at di makain ang naturang bigas, ayon sa mga guro.

Ayon kay House Deputy Minority leader at ACT Teachers party-list Rep. France Castro, “huling-huli na nga ang pagbibigay ng rice allowance na ito ay halos bulok na at di makain yung ipinamigay sa mga guro.” Nakaiinsulto ito sa mga guro, aniya.

Ayon sa grupo, hindi makain ang bigas na ipinamahagi sa Nueva Ecija, Mindoro, Bacolod City at Zamboanga del Norte. “Manilaw-nilaw at may amoy ang bigas na natanggap sa Mindoro. Maitim at parang nabubulok na ang natanggap sa Nueva Ecija. Binubukbok na rin ang bigas na natanggap sa Bacolod City kung kaya ipinatuka na lamang ito sa mga manok,” ayon kay Vladimer Quetua, tagapangulo ng Alliance of Concerned Teachers (ACT).

Samantala, hindi pa nakatatanggap ang mga guro sa ibang rehiyon ng alawans na ito. Sa ilang mga rehiyon, pinapirma na ang mga guro sa acknowledgement receipt kahit hindi pa naibibigay ang bigas. Kabilang dito ang mga guro sa Metro Manila na pinapirma sa isang papel kaugnay ng rice allowance pero walang natanggap na bigas. Biro nila, “itinatanim” pa siguro ang bigas na para sa kanila kaya hindi pa dumadating.

“Gumastos ang pamahalaan ng halos ₱1.183 bilyon para sa rice assistance ng halos 1.83 milyon na kawani ng pamalahaan. Pumapatak na ₱25 kada kilo ang presyo ng bigas na ito na hindi naman makain ng tao. Mukhang naghanap lamang ang gubyerno ng pagtatapunan ng nabubulok na bigas sa mga bodega ng National Food Authority,” bwelta ni Quetua.

“Nasayang lamang ang buwis ng mamamayan sa bigas na hindi makain at nainsulto pa ang ating mga guro na umaasa sa kaunting benepisyong kanilang matatanggap. Sa ganitong kalagayan ay dapat na kagyat na imbestigahan ito ng Kongreso pero dapat din na maibigay na ang rice assistance at tiyakin na angkop ang kalidad nito,” pagatatapos ni Rep. Castro.

AB: DepEd, kinastigo ng ACT sa bulok na rice allowance