Deportasyon sa aktibista mula Netherlands, kinundena

,
Ang artikulong ito ay may salin sa English

Arbitraryong ipiniit at sapilitang pinabalik sa The Netherlands ang Pilipinong aktibista na si Marikit Saturay nang bumisita siya sa Pilipinas noong Marso 7. Tatlong gabi siyang ipiniit ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago sapilitang pinabalik sa The Netherlands. Hindi pinapasok sa bansa si Saturay dahil nasa “blacklist order” siyang BI dulot ng kanyang paglahok sa mga “anti-gubyernong mga aktibidad.” Si Saturay ay kasapi ng Migrante-Netherlands at organisador ng kabataang migrante sa Europe. Kilala din siyang kompositor at mang-aawit sa komunidad ng local hip-hop sa The Netherlands.

Paglapag sa NAIA, tinanong siya ng upisyal sa immigration kung mayroon siyang kaugnayan sa mga “aktibista at komunista.” Inakusahan siyang sangkot sa mga “anti-gubyernong aktibidad.” Nang tumugon si Saturay na siya ay kasapi ng Migrante-Netherlands, hindi na siya pinahintulutang makalampas sa tsekpoynt ng imigrasyon.

Itinuring siyang kriminal at binantayan ng mga upisyal sa imigrasyon nang buong magdamag. Hindi rin siya pinahintulutang makausap ng kanyang mga abugado at maging kanyang mga kaanak. Nagpunta sa Pilipinas si Saturay para bisitahin ang kanyang mga kaanak at kaibigan, laluna ang kanyang lola na nagdiwang ng ika-100 kaarawan noong Marso 10.

Nanirahan sa the Netherlands si Saturay, kasama ang kanyang mga kapatid at ina noong 2006. Sinundan nila ang kanilang ama sa naturang bansa matapos humiling ng pampulitikang asylum doon noong 2003 dahil sa walang tigil na panggigipit ng noo’y rehimeng Arroyo. Ang ama ni Saturay ay aktibistang pangkalikasan at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Mindoro, noo’y pugad ng berdugong si Col. Jovito “The Butcher” Palparan.

Kinundena ng iba’t ibang mga grupong migrante at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao ang aksyong ito ng rehimeng Marcos. Ayon sa Migrante-Netherlands, ang panggigipit na ito ay kadugtong ng padron ng blacklisting at deportasyon ng ahensya sa imigrasyon ng Pilipinas laban sa mga progresibo at aktibista. Anang grupo, lubha itong “mapanganib, walang batayan at mapanupil.”

Matatandaan na katulad na insidente ang nangyari kay Edna Becher, isang Filipina-Swiss na aktibista at tagapangulo ng Anakbayan-Switzerland, nang ginipit at dineport siya nang bumibista sa Pilipinas noong Disyembre 7, 2023. Higit dalawang oras siyang ikinulong bago pinabalik sa Switzerland sa pagdadahilang “blacklisted” siya sa bansa dahil sa kanyang umano’y mga “anti-gubyernong mga aktibidad.”

AB: Deportasyon sa aktibista mula Netherlands, kinundena