Dineport ng US na mga manggagawa sa barko, nananawagan ng hustisya
Naglunsad ng press conference noong Oktubre 20 ang mga manggagawa sa barko na arbitraryong idinetine at dineport ng US sa nagdaang mga buwan sa marahas na anti-migranteng pagtugis ng kasalukuyang rehimeng Trump. Isinagawa ang press conference sa National Council of Churches in the Philippines sa Quezon City ng International Seafarers Action Center (ISAC). Panawagan nila ang hustisya at aksyon mula sa gubyerno ng Pilipinas.
Umaabot na sa 143 na Pilipinong migrante ang idineport ng US mula nakaraang taon. Noong Setyembre, kinansela ng embahada ng US sa Pilipinas ang aprubado nang mga US visa ng mga manggagawa sa barko na paalis pa lamang sa bansa. Ginamit nitong dahilan ang paratang na kasong child pornography kahit walang ebidensya o imbestigasyong isinagawa. Dahil dito, tinanggalan sila ng assignment o trabaho ng kanilang mga manning o labor agency. Dumadaan sa mga ahensyang ito ang mga manggagawa sa barko o seafarer para sa mga cruise ship o barko para sa mga bakasyunista. Kadalasan silang naglalayag sa mga bansa sa Europe.
Sa kumperensya, isinalaysay ng mga seafarer ang kanilang mga karanasan at kinakaharap na suliranin bilang biktima ng iligal na deportasyon, diskriminasyon at kapabayaan ng gubyerno ng Pilipinas. Ang mga dumalo sa kumperensya ay nagmula sa manning agency at barko ng Carnival Sunshine, Vikings, Wilhelmsen, Royal Caribbean, Open Sea, United Philippine Lines, Inc., RCCL Crew Management, Inc., at Magsaysay Maritime Corporation.
Ayon sa mga biktima, arbitraryo silang inimbestigahan, tinakot, at inakusahan na may hawak na bidyo ng child pornography ng walang ebidensya habang nakadaong ang kanilang barko sa pantalan sa Norfolk, Virginia. Dinala sila sa upisina ng US Customs and Border Patrol (CBP) at pinagbawalang kumontak sa kanilang mga abugado, manning agency, embahada ng Pilipinas, at kahit sa kanilang pamilya. Walang ibinigay na paliwanag sa kanilang detensyon. Pinilit silang pumirma sa mga dokumento na hindi pinapabasa o ipinapaliwanag ang laman. Ang iba ay pinapirma sa tablet bago sila sinabihan na dadalhin na sila sa airport para pauwiin sa Pilipinas.
Nakaposas at nakakadena sila habang nasa byahe papunta sa airport at trinato sila na parang kriminal. Sa airport na ibinigay sa kanila ng mga ahente ang dokumento na “notice to remove alien” at “voluntary withdrawal of visa.” Pag-uwi sa Pilipinas, agad silang nagreport sa kanilang manning agency para usisain ang kanilang katayuan. Sinabihan sila ng agency na wala na silang trabaho at hindi na sila pwedeng bigyan ng bagong ‘assignment’ dahil binawi ng US ang kanilang visa. Pinagbawalan din silang bumalik sa US sa loob ng 10 taon at na-“blacklist” sa ibang manning agency.
Ilan sa kanila ay nakatanggap ng ₱50,000 mula sa Agarang Kalinga sa mga OFW na Nangangailangan (AKSYON) Fund ng Department of Migrant Workers (DMW). Pero pakitang-tao lamang ang mga pagbibigay-ayuda na ito. Ang mga bagong dating na dineport ay sinabihan na kailangan nilang maghintay ng tatlong buwan para makakuha nito. Isiniwalat rin sa press conference ang kaso ni Fernandito Barcelon na inabutan ng ayuda, piniktyuran at pinapirma ng dokumento at matapos ng mga ito ay binawi sa kanya ang ₱50,000 dahil hindi umano siya kwalipikado para rito. Pinangakuan din ang mga dineport ng livelihood assistance at bagong pasaporte pero wala pa ring dumarating sa kanila.
Kinundena ng mga manggagawa ang kainutilan at kakuparan ng reaksyunaryong gubyerno. “Ang laki ng kaltas nila sa tax namin ‘tas ngayon di kami matulungan,” pahayag ni Gina Yatar, mula sa Carnival Cruise-Open Sea.
“Ang hirap humingi ng tulong sa gubyerno, ayaw kang pakinggan, nagsasabi ka naman ng totoo, di ka naman nanggagantso… yung pera na kinuha nila sakin, hindi naman nila pera ‘yun,” malungkot na pahayag ni Barcelon.
Ayon kay Atty. Edwin dela Cruz, presidente ng ISAC, malubha ang ginawang kapabayaan ng gubyerno ni Marcos sa mga biktima ng deportasyon. “Ang pinakitang katahimikan ni Marcos Jr sa harap ng mahigit 100 pinadeport na seafarer ay nagpapakita na siya ay duwag, walang tunay na malasakit sa mga OFW at na hindi niya kayang ipagtanggol ang kanyang mamamayan kay Presidente Trump,” aniya.
Nananawagan sila kay Marcos na maglabas ng diplomatic protest sa gubyerno ng US dahil sa ginawa nitong diskriminasyon, pananakot, pang-aabuso, at pagkakait ng karapatan at due process ng mga deported na Pilipinong manggagawa. Gayundin, dapat ayusin ng gubyerno ang kagyat na pagbabalik ng kanilang US visa, libre at bagong pasaporte, sapat at mabilis na ayudang pinansyal, nakabubuhay na trabaho at suporta mula sa gubyerno. Dapat din managot ang mga manning agency at may-ari ng mga barko dahil sa kanilang pagpapabaya at pag-abandona sa mga dineport na mga seafarer.
Itinakda ng organisasyon ang isang piket at dayalogo sa Department of Foreign Affairs sa Nobyembre 4 upang ilahad ang kanilang mga panawagan.
“Inaasahan namin na dadami pa ang mga migrante na magiging biktima ng diskriminasyon, hindi makatarungang pag-aresto, pagkulong, sapilitang deportasyon at pinagkaitan ng kabuhayan dahil sa kaduwagan ng rehimeng Marcos. Dapat magkaisa ang lahat ng OFW para sa laban na magkaroon ng trabaho na may nakabubuhay na sahod sa sariling bansa,” pahayag ni Atty. Dela Cruz.