Dinukot na kapatid ng lider-pesante sa Sorsogon, pinalalabas na “sumurender”

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Pinalalabas ng pulis at militar na “sumurender” noong Pebrero 23 sa 903rd IBde sa Barangay San Rafael, Castilla, Sorsogon ang dinukot na kapatid ng lider-pesante sa Sorsogon na si Jose Marie Estiller. Nauna nang iniulat ng mga kaanak ni Estiller at ng Karapatan-Sorsogon ang pagdukot sa kanya ng naka-sibilyang mga armadong kalalakihan ng pinagsanib na pwersa ng 22nd IB, 59th IB at pulis ng Sto. Tomas, Batangas noong Pebrero 20.

Sa pahayag ng hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na si Maj. Gen. Romeo Caramat Jr, si Estiller ay tinaguriang “2nd Most Wanted” sa Bicol. Pinararatangan siya ng estado bilang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Sorsogon at sinampahan ng mga kaso kabilang ang pagpatay, at tatlong bilang ng illegal possession of firearms sa Sorsogon.

Taliwas sa kasinungalingang ito, malinaw na nakunan ng CCTV ang akto ng pagdukot kay Estiller nang wala kahit anong ipinakitang ligal na dokumento. Sa bidyo, naglalakad pabalik sa bahay na tinutuluyan si Estiller nang biglang pinalibutan siya ng limang lalaki bandang alas-5 ng hapon at kinaladkad siya palayo.

Kitang-kita rin sa kuha ng CCTV na armado ang dalawa sa limang dumampot sa biktima. Natukoy din ng Karapatan-Sorsoon na kabilang si Jimmy Dela Torre, ahenteng militar na dating Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan-Sorsogon, ang isa sa mga dumukot sa biktima. Anang grupo, notoryus si Dela Torre sa Sorsogon sa pagpapahamak sa mga aktibista at mga masang pinararatangan nitong may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan.

Paulit-ulit na itinanggi ng mga pwersa ng estado na nasa kustodiya nila ang biktima hanggang sa maglabas ng anunsyo kahapon, Pebrero 27, ng “pagsurender” ni Estiller. Ayon sa mga kaanak, hindi pa rin nila natutunton ang mismong kinaroroonan ng biktima.

Si Jose Marie ay kapatid ng lider-pesante ng Amihan-Sorsogon at dating bilanggong pulitikal na si Jean Estiller. Aniya, magkasama sila ng kanyang kapatid sa Batangas sa panahon na iyon dahil naka-iskedyul sa mismong araw ang pagpapagamot sa inindang altapresyon, diabetes, high uric acid at kidney stones ang kanyang kapatid. Giit niya at kanilang mga kaanak, gayundin ng Karapatan-Sorsogon, na ilitaw nang ligtas ang biktima. “Dapat kilalanin ang batas at dapat sundin ang karampatang proseso sa paglilitis kung mayroon siyang kinahaharap na kaso,” pahayag ng Defend Bicol.

Maihahalintulad ang kaso ni Jose Marie sa naging pagdukot ng militar at halos dalawang linggong pagkulong, pagtortyur at panggigipit sa mga aktibistang pangkalikasan na sina Jhed Tamano at Jonila Castro noong Setyembre 2023.

AB: Dinukot na kapatid ng lider-pesante sa Sorsogon, pinalalabas na "sumurender"