Duterte, inilaglag ni Duque sa pagdinig kaugnay sa pondong nagastos sa pandemya

Ang artikulong ito ay may salin sa English

Kinumpirma ng dating kalihim ng Department of Health na si Francisco Duque III sa isang pagdinig kahapon sa Kongreso na ang dating presidente na si Rodrigo Duterte ang nag-utos sa kanya na ilipat ang ₱47.6 bilyon pondo ng kagawaran para sa pandemyang Covid-19 sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM).

Pagdadahilan ni Duque, bagamat siya ang naglipat ng pondo ng DOH sa PS-DBM, ginawa niya ito alinsunod sa berbal na utos ni Duterte at rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force at National Task Force against COVID-19. Ang pondo ay bahagi ng $2.21 bilyon (₱129 bilyon sa palitang $1=₱55) na inutang ng gubyerno ni Duterte sa tabing ng pagtugon sa pandemyang Covid-19.

Pinamumunuan noon ang PS-DBM ni Lloyd Christopher Lao, isang taga-Davao at kilalang malapit kay Duterte. Dating tauhan ng Presidential Management Staff si Lao bago siya itinalaga ni Duterte sa PS-DBM.

Ginamit ni Lao ang sangkapat ng pondo para sa pinasok na mga kontrata ng gubyerno sa Pharmally Pharmaceutical Corporation para sa pagsuplay ng mga face mask, face shield at iba pang “personal protective equipment.” Ito ay sa kabila ng hindi kwalipikado ang kumpanya sa gayong kalalaking kontrata. Kunektado ang kumpanya kay Michael Yang, na nagsilbing “economic adviser” ni Duterte sa isang panahon. Ang anomalyang ito ang isa sa pinakamalaking kaso ng korapsyon sa pandemya.

Noong Mayo 6 lamang, idineklara ng Ombudsman na “iligal” ang paglipat ng naturang pondo, at inirekomendang kasuhan sina Duque at Lao. Ayon sa Ombudsman, umakto sina Duque at Lao “in bad faith” (hindi tapat at may panlilinlang) at nagkaroon ng “gross, inexcusable negligence” (sobra-sobrang pagpapabaya) nang ilipat nila ang pondo mula Marso hanggang Disyembre 2020.

AB: Duterte, inilaglag ni Duque sa pagdinig kaugnay sa pondong nagastos sa pandemya