Aset paniktik ng ISAFP na imbwelto sa Negros 19 masaker, pinatawan na parusang kamatayan ng BHB
Ipinatupad ng Special Partisan Unit (SPARU) ng Bagong Hukbong Bayan-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) ang kaparusahang kamatayan laban kay Jerome Ceballos, 59 taong gulang, sa Sityo Singko, Barangay Gawahaon, Victorias City, Negros Occidental noong Hulyo 10. Nakumpiska sa kanya ang isang .45 na baril. Ang aksyong pamarusa ay alinsunod sa atas ng lokal na rebolusyonaryong hukumang bayan matapos mapatunayang maysala si Ceballos sa patung-patong na mga krimen laban sa rebolusyon at sa masang Negrosanon.
Bago ang aktwal mga operasyon, masinsin at maingat ang proseso ng imbestigasyon ng kinauukulang mga komiteng rebolusyonaryo sa baryo, sangay ng Partido at yunit ng BHB na nakatalaga sa lugar na pinangyarihan ng krimen ng mga akusado. Kasunod na binubuo ang hukumang bayan at isinasakatuparan ang kinakailangang mga rebolusyonaryong prosesong hudisyal. Kabilang dito ang paghaharap ng sakdal sa akusado at pagbibigay ng pagkakataon sa kanila na magpaliwanag at ipagtanggol ang kanilang mga sarili. Mahigpit din itong tumatalima sa mga alituntunin ng internasyunal na makataong batas.
Si Ceballos ay residente ng Barangay Bata, Bacolod City. Sa imbestigasyon ng rebolusyonaryong hukuman, napatunayang espiya siya ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP). Inatasan siya ng militar na makipag-ugnayan sa rebolusyonaryong kilusan, magkunwaring alyado, at magmanman sa mga kilos ng BHB sa erya.
Kabilang sa kanyang mga krimen sa mamamayang Pilipino ang nangyaring masaker sa Negros 19 noong Abril 19 sa Barangay Salamanca, Toboso. Pinatay ng 79th IB sa naturang masaker ang 10 Pulang mandirigma ng BHB-Northern Negros at siyam na hindi armadong mga indibidwal. Napatunayan ng isinagawang National Fact-Finding and Solidarity Mission (NFFSM) ng mga grupo sa karapatang-tao at iba’t ibang sektor sa Barangay ang patung-patong na paglabag ng militar sa karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.
Responsable rin si Ceballos sa pagdukot, pagtortyur at sadyang pagpatay ng militar at pulis kina Nonoy Ponteras (Ka Jojo) at Marisa Pobresa (Ka Kim) noong Marso 2025. Ang dalawa ay dinukot noong Marso 7, 2025 ng alas-8 ng gabi sa isang bahay sa Bacolod City. Pwersahan silang isinakay sa isang van at dinala sa hindi natukoy na lugar, kung saan sila tuluyang pinaslang. Kasunod na ibinalandra ang kanilang mga bangkay sa Sityo Paraiso, Barangay Caduhaan, Cadiz City para palabasing napatay sila sa engkwentro.
Sa araw ng pagparusa kay Ceballos, ipinatupad rin ng BHB-Northern Negros ang kaparusahang kamatayan kay Alex Cunanan sa parehong sityo. Nakuha mula sa kanya ang isang shotgun at .45 na baril. Si Cunanan ay napatunayang nagtraydor sa rebolusyonaryong kilusan at nagdulot ng patung-patong na kapahamakan sa mga magsasaka bilang tauhan at maton ng panginoong maylupa na pamilyang Kho.
Ayon kay Ka Cecil Estrella, tagapagsalita ng BHB-Northern Negros, ang pagpapatupad sa atas ng hukumang bayan ay nagpapamalas na tapat ang rebolusyonaryong kilusan sa pagkakamit ng hustisya para sa masang Negrosanon. “Kahit gaano pa katagal ang krimen na ginawa ng mga intel asset, kriminal at traydor sa rebolusyon, hindi ito malilimutan ng buong rebolusyonaryong kilusan,” aniya.
Dagdag niya, sa abot ng makakaya ng BHB ay ipatutupad nito ang mga atas ng hukumang bayan para mabigyan ng hustisya ang malawak na masa na biktima ng kanilang pananalasa. Sa buong isla ng Negros, walang-humpay ang pagsisikap ng mga yunit sa ilalim ng BHB-Negros Island (Apolinario Gatmaitan Command) noong Hunyo para kamtin ang hustisya para sa api at pinagsasamantalahang masang Negrosanon.