Balita

Manila Water, pinaiimbestigahan sa pagkamatay ng mga isda sa Laguna de Bay

Nagpahayag ng pagkabahala ang Pambansang lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (PAMALAKAYA) dahil sa naiulat na pagkamatay ng mga isda sa Laguna de Bay noong Hulyo 10. Ayon sa grupo, dulot ito ng pagtapon ng maruming tubig o wastewater ng Manila Water, kumpanyang pagmamay-ari ni Enrique Razon sa naturang lawa.

Hinimok ni Ronnel Arambulo, pangalawang tagapangulo ng PAMALAKAYA ang Laguna Lake Development Authority (LLDA) na agarang imbistigahan ang fish kill.

“Nananawagan kami sa LLDA na agarang imbestigahan ang fish kill. Dapat ding imbestigahan ang mga pabrika at water concessionaire na nag-o-opereyt sa paligid ng lawa, dahil sila ang madalas na pangunahing responsable sa pagkasira ng kapaligiran at pagkagambala sa ekolohiya. Dapat silang papanagutin kung mapatunayang may sala,” pahayag ni Arambulo.

Kinumpirma ng LLSDA na ang Manila Water ang nagtapon ng wastewater sa Barangay Ithan, Binagonan, Rizal na dumiretso patungo sa Lawa ng Laguna. Nagpahayag ang ahensya na humingi ito ng paliwanag mula sa kumpanya.

Pagdadahilan sa Manila Water, ang paglalabas ng tubig ay bahagi ng flushing at disinfection process para sa mga bagong tubo ng kanilang East Bay Transmission Mains Phase 2 project, na layong ihanda ang pipeline upang makakuha ng tubig mula sa Laguna Lake bilang alternatibong pinagkukunan ng tubig bukod sa Angat Dam. Ang inilabas na tubig ay mula rin diumano sa lawa at walang taglay na mapanganib na kemikal o hazardous na substansya na magpapaliwanag sa naiulat na masamang amoy.

Ayon sa LLDA, ipinakikita sa kanilang rekord na huli na nang humingi ng pahintulot ang Manila Water para sa naturang hakbang. Itnuloy nito sa discharge operations nang walang evaluation o clearance ng LLDA.

Ani ng ahensya, seryoso nilang hinaharap ang mga hindi awtorisadong aktibidad sa loob ng Laguna Lake at nagpadala na sila ng Quick Response Team upang inspeksyunin ang lugar at kumuha ng mga sample ng tubig para sa laboratory testing upang matukoy ang epekto nito sa kapaligiran.

Nakikipag-ugnayan naman ang PAMALAKAYA sa mga lokal na mangingisda sa Rizal upang suriin ang epekto ng fish kill sa kabuhayan ng mga mangingisda at mga residente sa mga baybaying-lawa.

AB: Manila Water, pinaiimbestigahan sa pagkamatay ng mga isda sa Laguna de Bay