Balita

Rehimeng Marcos, sinasayang ang arbitral ruling sa pagpapakatuta sa US ayon sa PKP

,

Kaisa ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa mamamayang Pilipino sa paggunita sa ika-10 anibersaryo ng desisyon ng International Arbitral Tribunal noong Hulyo 12.

“Nararapat lamang para sa mamamayang Pilipino na kilalanin ang araw na ito, dahil tanda ito ng tagumpay sa paggigiit ng bansa sa mga karapatang pandagat sa exclusive economic zone (EEZ) nito sa loob ng South China Sea, na nagpapasinungaling sa pag-angkin ng China sa ilalim ng tinatawag nitong 9-dash line,” ayon kay Marco Valbuena, punong upisyal sa impormasyon ng PKP.

Aniya, malakas ang batayan ng mamamayang Pilipino para itaguyod ang kanilang mga karapatan sa ilalim ng arbitral ruling.

“Dapat ipagpatuloy ng bansa ang pakikipag-ugnayan sa China sa pamamagitan ng masigasig na diplomasya upang tuklasin at itaguyod ang lahat ng posibleng kapwa katanggap-tanggap na mga tuntunin ng kooperasyon na umaayon sa arbitral ruling,” aniya.

Kaakibat nito, mariin niyang binatikos ang rehimeng Marcos, na sinasayang ang potensyal ng arbitral ruling para sa mapayapang dayalogo at mga praktikal na kasunduan, sa pamamagitan ng pagiging sunud-sunuran sa imperyalistang interes ng US.

Labag sa interes ng mamamayang Pilipino, aniya, ang paggamit ng US sa arbitral ruling para itulak ang pagpapakapal ng presensyang militar nito sa bansa.

“Sa pag-udyok ng US, nagpahayag ang Japan at iba pang kaalyado ng US ng ‘suporta’ para sa arbitral ruling, upang bigyang-katwiran ang pagpapadala ng sarili nitong mga pwersang militar, na nagpapaigting ng tensyon at lalong nagpapahirap sa mapayapang resolusyon ng mga sigalot,” aniya.

Sadya nitong ipinagkakamali ang arbitral ruling bilang pagkakaroon ng Pilipinas ng teritoryal na karapatan sa Bajo de Masinloc (Scarborough Shoal) para bigyang-katwiran ang mga “joint patrols” ng mga barko ng US at Philippine Coast Guard sa lugar, kasabay ng patuloy na pagpaparami ng sarili nitong pwersang nabal sa South China Sea, at ang paglalagay ng mga tropa at misayl sa loob ng Pilipinas.

“Ang lahat ng mapanganib na hakbang na ito ay bahagi ng malisyosong estratehiya ng imperyalismong US,” ayon kay Valbuena. “Dapat itakwil ng mamamayang Pilipino ang mga pag-aangkin ng US na ito ay isang kaibigan at kaalyado, gayong nagsisilbi lamang ito sa sarili nitong imperyalistang interes na ipatupad ang hegemonya nito at mang-upat ng gyera upang igiit ang kapangyarihan nito.”

AB: Rehimeng Marcos, sinasayang ang arbitral ruling sa pagpapakatuta sa US ayon sa PKP