Duterte, kinastigo sa gastos ng kanyang upisina

Kinastigo ng grupo ng mga guro si Sara Duterte, bise presidente at kalihim ng Department of Education, sa napabalitang maling proseso ng paggasta ng kanyang upisina sa pondo ng ahensya noong Hulyo 5. Batay ito sa ulat ng Commission on Audit na hindi sinunod ni Duterte ang wastong proseso sa pagbili ng gubyerno ng mga gamit upang iwasan ang korapsyon.

Ang mga pagbili ay ginawa para sa itinatag ni Duterte na sattelite office o sangay ng tanggapan niya bilang bise presidente. Itinayo ang mga upisinang ito sa Cebu, Tacloban, Dagupan, Davao, Zamboanga at Tandag sa Surigao Del Sur noong Hulyo 2022.

Ayon sa ulat, gumastos si Duterte ng ₱668,197 noong 2022 para sa mga “sattelite office” ng Office of the Vice President (OVP) na hindi naayon sa batas kaugnay sa pagtitiyak na transparent at nasa pamantayan ang mga binibili. Sa pagmamadali nitong itayo ang gayong mga upisina, hindi nito natiyak na nagagamit ang pondo sa tamang paraan, at na hindi ito nawawaldas.

Sinabihan din ng COA si Duterte na itigil ang paggamit ng pondo na hindi nakalaan para sa mga binibili nito at pag-reimburse na lamang kapag dumating na ang tamang pondo. Ayon sa ahensya, nilalabag ng gawing ito ang mga batas para sa procurement o pagbili ng mga upisina ng gubyerno.

Pinansin din ng COA ang paggastos ni Duterte ng ₱125 milyon bilang “confidential expenses” na ₱125 milyon na inilagak niya sa bagong-tatag na mga “OVP sattelite office” bilang OVP. Tumaas din ang ginastos ni Duterte bilang “medical assistance” nang ₱96.42 milyon. Inamin ni Duterte ang kanilang “kahinaan” sa pag-shortcut sa proseso at nangakong susundin ang mga batas sa hinaharap.

“Naaalarma kami sa mga shortcut ng OVP sa proseso ng procurement,” pahayag ni House Deputy Minority leader at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro. “Hindi dapat minamaliit ang mga usaping ito, laluna dahil milyon, kundiman bilyong pera ng mamamayan ang ginagamit.”

Nanawagan siya kay Duterte na magbigay ng paliwanag at makipagtulungan sa anumang imbestigasyon sa mag alegasyon laban sa kanya.

AB: Duterte, kinastigo sa gastos ng kanyang upisina