Balita

Duterte, mga kasapakat, inirekomenda ng Kongreso na sampahan ng mga kasong kriminal

,

Matapos ang 13 pagdinig, inirekomenda ng Quad Committee ng Kongreso noong Disyembre 18 ang pagsasampa ng kasong krimen laban sa sangkatauhan sa dating presidente na si Rodrigo Duterte at kanyang mga kasapakat kaugnay sa malawakang ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng huwad na gera kontra-droga ng kanyang administrasyon. Ang kasong ito ay katulad sa isinampa ng mga pamilya ng mga biktima sa gera kontra-droga sa International Criminal Court (ICC). Kasabay nito, inirekomenda rin ang komite na sampahan ng hiwalay na kasong kriminal ang mga nasangkot sa Philippine Offshore Gaming Operations o POGO.

Ayon sa ulat ng komite, isa sa mga nasiwalat sa pagdinig ang sistema ng paggantimpala ni Duterte na nagpondo sa “gera kontra-droga” ng kanyang administrasyon. Anito, nagbunga ang sistemang ito sa culture of impunity na nagresulta sa ekstrahudisyal na pagpaslang ng 12,000 hanggang 30,000 mga pinaghihinalaang mga gumagamit ng droga. Ang sistemang ito, ayon na rin sa mga dumalo sa mga pandinig, ay nakasunod sa “modelong Davao” ng ekstrahudisyal na pamamaslang noong meyor pa ng Davao si Duterte. Inamin mismo ni Duterte, sa isang pagkakataong dumalo siya sa pagdinig, ang pagbibigay ng gantimpala sa mga pulis mula sa sobrang pondo ng mga operasyong kontra-droga.

Kasama sa kinasuhan sina Bong Go, espesyal na assistant ni Duterte; mga dating hepe ng PNP na sina Ronald Dela Rosa, Oscar Albayalde at Debold Sinas; retiradong pulis na si Royina Garma; dating komisyuner ng National Police Commission na si Edilberto Leonardo at ang dating tauhan ni Go na si Herminia Espino.

Inirekomenda naman ng Quad na patuloy na imbestigahan ang pagkakasangkot ni Duterte, kanyang anak na si Paolo, iba pang upisyal ng kanyang administrasyon at malalapit na kaibigan sa iligal na bentahan ng droga.

Nagrekomenda rin ang komite ng pagsasampa ng kaso laban kay Harry Roque at mga personalidad na sangkot sa operasyon ng malalaking POGO tulad ni Alice Guo, Cassandra Li Ong, Tony Yang at Hongjiang Yan.

AB: Duterte, mga kasapakat, inirekomenda ng Kongreso na sampahan ng mga kasong kriminal