Balita

Duterte Panagutin!, sigaw ng bagong-tatag na samahan

,

Sa harap ng tumitibay na ebidensya kaugnay sa mga kaso ng pagpatay at krimen laban sa sangkatauhan ng dating presidente na si Rodrigo Duterte, nagtipun-tipon kahapon, Nobyembre 25, ang iba’t ibang mga grupo sa Quezon City para buuin ang Duterte Panagutin Campaign Network. Nilahukan ito ng mga grupong pambansa-demokratiko, tagapagtanggol sa karapatang-tao, abugado, taong simbahan at biktima ng paglabag sa karapatang-tao ng dating rehimen.

“Nagkakaisa [kami] sa aming hindi nagmamaliw na paninindigan para kamtin ang katotohanan, hustisya at pananagutan kasama ang mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao na isinagawa sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte,” ayon sa nagkakaisang pahayag ng network. Pinakamalaking krimen ng rehimeng Duterte ang hindi bababa sa 30,000 pinaslang sa ngalan ng pekeng gera kontra droga nito.

Ayon sa network, isinantabi nito ang batayang mga karapatang-tao at hustisya at pinalalim pang lalo ang kultura ng kawalang pakundangan. “Kaya naman naninindigan kami kasama [ng mga biktima] para sa hustisya. Ang kanilang pagtangis ay amin din; ang kanilang pakikibaka, ay amin din,” ayon sa pahayag.

Nangako ang network na magsisikap para tiyakin ang pagsasakdal sa mga sangkot sa pinakamasasahol na krimeng iyon laluna si Duterte mismo. Kaugnay nito, nanawagan sila sa rehimeng Marcos na gumawa ng karampatang hakbang para tiyakin na mapananagot ang mga sangkot.

Hinimok rin nito ang International Criminal Court (ICC) at iba pang internasyunal na mga organisasyon na ituloy at pabilisin ang kanilang imbestigasyon sa mga ekstrahudisyal na pagpaslang kay Duterte at mga kasapakat nito. “Dapat silang isakdal para sa kanilang mga krimen laban sa sangkatauhan at paglabag sa internasyunal na batas,” anito.

Kabilang sa mga nanguna sa network si Teddy Casiño, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Aniya, kung hindi mapananagot si Duterte ay mapahihintulutan nito ang mga katulad niya, sa partikular ang anak niyang babae na astang tirano rin, na gawin ang parehong karumal-dumal na mga krimen.

Bahagi rin ng mga nanguna sa network ang biktima ng panggigipit ni Rodrido Duterte na si dating Senator Leila de Lima. “Isang mahalagang hakbang ito sa ating laban para sa pananagutan sa mga maling nangyari sa nakaraan. Napakarami ng mga kasalanan ni Duterte sa taumbayan,” pahayag niya.

Kasama nila sa network ang ilang mga upsiyal at lider ng Movement Against Tyranny, Karapatan, Rise Up for Life and for Rights, Hustisya, Artikulo Tres Human Rights Alliance, mga grupong akademiko at samahan ng taong-simbahan. Nanawagan sila sa mga kapwa Pilipino na makiisa sa kanilang laban para sa hustisya at pananagutan. Sigaw nila: Duterte, Panagutin.

AB: Duterte Panagutin!, sigaw ng bagong-tatag na samahan