Gawa-gawang mga kaso, isinampa laban sa aktibista sa Batangas

Limang gawa-gawang kaso ang isinampa ng mga sundalo ng 59th IB laban kay Hailey Pecayo, tagapagsalita ng grupo sa karapatang-tao na Tanggol Batangan. Ang mga kaso ay may kaugnayan sa paratang na nilabag ni Pecayo ang Anti-Terrorism Law, tangkang pagpatay, at paglabag sa internasyunal na makataong batas.

Napag-alaman lamang ni Pecayo at kanyang grupo ang lahat ng mga kasong kinakaharap niya matapos magsumite ng kontra-salaysay hinggil sa mga reklamong nauna nang isinampa laban sa kanya nina Sgt. Jean Claude Bajaro at Cpl. Ivan Neil Ogatis ng 59th IB noong Hulyo 26. Isinumite ni Pecayo ang kontra-salaysay sa upisina ng Department of Justice sa Sta. Rosa, Laguna.

Isinampa ng dalawang sundalo ang mga kasong paglabag sa section 4(a) at 4(d) ng Anti-Terrorism Law of 2020 kung saan pilit iniuugnay si Pecayo sa Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan, na arbitraryo ding itinalagang mga “teroristang grupo” ng Anti-Terrorism Council sa bisa ng ATA.

“Walang katotohanan ang mga ibinabatong paratang ng 59th IB sa mga tanggol-karapatan tulad ni Pecayo,” giit ng Tanggol Batangan sa isang pahayag. Ayon naman sa Karapatan-Southern Tagalog: “Ang patuloy na pag atake sa kanya at sa iba pang tagapagtanggol ng karapatang pantao ay siyang pag-atake sa buong hanay ng mga tagapagtanggol ng karapatan at sa kanilang mga pinaglalaban.”

AB: Gawa-gawang mga kaso, isinampa laban sa aktibista sa Batangas