Balita

Grupo ng mga estudyante, naghapag ng pusisyon laban sa pagtaas ng matrikula sa CHED

Nagsumite ng position paper sa Commission on Higher Education sa Quezon City ang mga estudyante mula sa iba’t ibang unibersidad sa Metro Manila upang tutulan ang dagdag sa matrikula at iba pang singilin ng mga pamantasan, kahapon, Hulyo 20.

Nauna silang tumungo sa naturang ahensya noong Abril 30 at Hunyo 21 upang iprotesta ang nakaambang pagtataas ng matrikula. Hindi tinutugunan ng CHED ang kanilang hinaing sa kabila ng pabalik-balik nilang pagdulog.

Bago ang pormal na pagpasa ng dokumento sa ahensya, pinangunahan ng grupong Rise for Education Alliance ang pagsasagawa ng press conference sa harap mismo ng CHED upang ipresenta ang kalagayan ng mga estudyante sa iba’t ibang unibersidad.

Dito, nagsalita ang representante mula sa Ateneo de Manila University na tumututol sa 6% na pagtaas ng matrikula sa unibersidad. Aniya, umaabot ng ₱100,747.60 ang isang semestreng may 20 na yunit. Isiniwalat niya rin ang kawalan ng demokratikong proseso sa alokasyon ng badyet at pagbubuo ng mga patakaran ng administrasyon ng Ateneo.

Lumahok din sa pagkilos ang representante mula sa University Student Council ng University of the East sa kampus ng Maynila na iginiit ang pagtutol sa ipinataw na 9.5% pagtaas sa kanilang matrikula sa 2023-2024 na taong pang-akademiko. Mula ₱50,000 ay tumaas tungong ₱70,000 ang matrikula ng isa sa mga kolehiyo. Aniya, “napakalaking pasakit at dagok nito sa kapwa estudyante na working student o kabilang sa mga single income household.”

“Hindi tayo titigil at hindi natin hahayaan na tapakan at tanggalan (tayo) ng karapatang mangarap ng malalaking pribadong unibersidad nang walang bahid ng pananagutan,” pangako ng mga estudyante.

Maliban sa 3% na pagtaas ng matrikula sa Far Eastern University, nireklamo rin ng tagapagsalita mula sa Council of Student Organization ng FEU ang kawalan ng sapat na serbisyo ng unibersidad, kawalang kaayusan sa enrollment system, at kakulangan ng mga propesor. “Hindi na nga namamaximize ang tuition, ito ay itataas pa,” aniya.

Nanawagan rin ang mga nagprotesta sa lahat ng mga estuyante hindi lamang sa National Capital Region kundi pati sa karatig na mga prubinsya na magkaisa at patuloy na isulong ang karapatan sa eduksayon.

AB: Grupo ng mga estudyante, naghapag ng pusisyon laban sa pagtaas ng matrikula sa CHED