Huling Black Friday Protest ngayong Nobyembre, inilunsad ng mga progresibong grupo
Malawakang inilunsad ng mga progresibong grupo sa ilalim ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK) ang huling Black Friday Protest noong Nobyembre 28 bago ang protestang bayan kontra korapsyon sa Nobyembre 30. Nagprotesta ang mga grupo sa Metro Manila, Baguio City, Tarlac City, Antipolo sa Rizal, Los Baños at San Pablo City sa Laguna, Cebu City, at Iloilo.
Tulad sa nagdaang mga linggo, ang mensahe ng protesta ay pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa malawakang katiwalian, laluna sa mga proyektong flood control, sa ilalim ng rehimeng Marcos. Sa ilang protesta, nanawagan ang mga grupong bahagi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) ng papapabitiw sa poder kina Presidente Ferdinand Marcos Jr at Bise Presidente Sara Duterte bilang mga hari at reyna ng korapsyon.
Pinakatampok sa araw ng pagkilos ang pinangunahang pambansang sit-down strike at protesta ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines. Ayon sa grupo, nakiisa sa aktibidad ang mga guro sa higit 400 pampublikong paaralan sa 14 na rehiyon sa bansa.
Bilang bahagi ng sit-down strike, tinalakay ng mga guro sa mga estudyante ng korapsyon sa gubyerno at mga usaping bayan. Ito ay sa halip na magturo ng regular na mga asignatura. Binigo nila ang tangka ng mga upisyal at dibisyon ng Department of Education na busalan, manmanan at takutin ang mga gurong lalahok.
Sa Maynila, nagprotesta ang mga grupong progresibo sa kahabaan ng Kalaw Avenue at sa Quiapo. Sa Quezon City, naglunsad ang iba’t ibang sektor ng protesta sa Philcoa sa Commonwealth Avenue; nagpiket ang mga manggagawang pangkalusugan sa tapat ng Philippine Orthopedic Center; nagprotesta ang mga maralitang-lunsod sa Tatalon; at nangalampag ang mga magbubukid sa upisina ng Department of Agriculture.
Sa Pasig City, nagprotesta ang grupo ng mga konsyumer, kasama ang iba pa, sa harap ng hedkwarters ng San Miguel Corporation ni Ramon Ang. Pinuna nila ang katiwalian sa gubyerno, pribatisasyon ng mga serbisyong pampubliko, at sabwatang Marcos at Ang sa pagsira sa kalikasan at pagpapahirap sa bayan.
Inilunsad ang katulad na mga protesta sa labas ng Metro Manila. Sa Baguio City, pinangunahan ng ACT-Cordillera ang isang protesta at programa sa Malcolm Square. Sa Tarlac City, nagmartsa mula sa F. Tañedo Street hanggang Plazuela ang mga grupo sa ilalim ng Bayan-Gitnang Luzon.
Sa Rizal, puu-puong kabataan ang nakiisa sa pagkilos sa Antipolo City sa pangunguna ng Walang KuKorap Network at Youth Rage Against Corruption-Rizal. Nagtapos ang pagkilos ng mga grupo sa kapitolyo ng prubinsya kung saan nagtalumpati sina Teddy Casiño ng Bayan, Atty. Renee Co ng Kabataan Partylist at Sarah Elago ng Gabriela Women’s Party.
Sa Laguna, naglunsad ng protesta ang mga estudyante ng University of the Philippines-Los Baños sa kampus. Sa San Pablo City, isang gabi ng musika at sining laban sa korapsyon ang isinagawa ng grupong San Pablo Ayaw sa Korapsyon.
Sa Cebu City, nagtirik ng kandila ang mga progresibong grupo sa Carbon Freedom Park. Panawagan nila ang hustisya para sa mga namatay bunga ng korapsyon at malakawang pagbaha sa nagdaang mga linggo, at sa pagpatay sa mga tagapagtanggol sa karapatang-tao.
Sa Iloilo, nagprotesta ang mga grupo ng kabataan sa UP Visayas at sa Western Visyas State University. Binatikos nila ang batbat sa korapsyon na mga proyektong imprastruktura sa Iloilo City na anila ay pahirap sa mga Ilonggo.
Lalahok ang mga grupo sa protestang bayan na pangungunahan ng KBKK sa Nobyembre 30. Ilulunsad ang pangunahing demonstrasyon sa Luneta Park sa Maynila at magkakaroon ng katulad na mga protesta sa iba pang bahagi ng bansa. Pangunahing ipapanawagan ng grupo: “Lahat ng sangkot, dapat managot!”
“Mula sa simpleng ‘managot ang kurakot’ hanggang sa malalalim na panawagan para magbitiw sa pwesto sina Bongbong Marcos at Sara Duterte at baguhin ang bulok na sistema ng pamamahala, lahat ng lehitimong sigaw ng bayan ay may puwang at pakikinggan,” pahayag ng KBKK para sa protesta.