Hustisya, giit ng ina ng pinatay sa Bloody Sunday Massacre

Nagsumite ng petisyon noong Agosto 4 si Rosenda Lemita, ina ng pinaslang na si Chai Lemita-Evangelista, para iparepaso ang naging desisyon ng Department of Justice Manila na ibasura ang kaso laban sa mga pumaslang ng kanyang anak. Dalawang beses nang nagsampa ng petition for reconsideration ang pamilya Lemita hinggil sa naunang murder complaint laban sa mga pulis na sangkot sa pagpalasng ngunit parehong ibinasura ng DOJ.

“Hindi makatwiran at walang katarungan ang pagbabasura ng petisyon, bagkus nagmimistula itong pagkukubli ng kanilang nananaig na kabaluktutan at pagpanig sa umiiral at nabubulok na sistema ng hustisya,” ayon sa grupong Tanggol Batangan.

Isa sa mga biktima ng Bloody Sunday Massacre sa Southern Tagalog ang kanyang anak na si Chai at ang asawa nitong si Ariel Evangelista, na naganap noong Marso 7, 2021. Ang kasong isinampa ni Lemita ay bahagi ng nagpapatuloy na paggiit para sa hustisya at pagpapanagot sa 17 kapulisang sangkot sa pagpatay sa mag-asawa.

Umagapay Lemita ang grupong National Union of People’s Lawyers sa paghahain ng kanyang petisyon. Ibinahagi ng NUPL ang pagluha ni Nanay Inda habang pumipirma sa kanyang petisyon dahil sa nangyari sa kanyang anak.

Ang mag-asawang Chai at Ariel Evangelisa ay istap ng Ugnayan ng Mamamayan Laban sa Pagwawasak ng Kalikasan at Kalupaan, organisasyong lumalaban sa epekto ng mga proyektong ekoturismo, na pinatay sa isang bahay sa Barangay Calayo, Nasugbu, Batangas. Nasaksikhan ng bata kung paano dinampot ang kanyang mga magulang ng mga pwersa ng estado na may dalang malalaking baril.

AB: Hustisya, giit ng ina ng pinatay sa Bloody Sunday Massacre