Balita

Hustisya, panawagan ng mga mamamahayag sa pagpaslang sa brodkaster sa Albay

Nanawagan ng hustisya ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) at tsapter nito sa prubinsya ng Albay sa pamamaril at pagpatay sa brodkaster sa programang Kadunong Internet TV na si Noel Bellen Samar. Umeere ang programa ni Samar sa dalawang istasyon ng radyo sa Albay.

Si Samar ay namatay sa ospital noong Oktubre 21 ng hapon matapos mabaril sa Barangay Morera, Guinobatan sa Albay noong Oktubre 20 ng umaga. Naisugod pa siya sa ospital ngunit namatay rin dulot ng mga kumplikasyon sa apat na tama ng bala.

“Dapat na nating wakasan ang nagpapatuloy na impunity sa midya na banta sa kaligtasan ng mga mamamahayag sa bansa,” ayon sa NUJP-Albay. Hinimok ng grupo ang mga pulis na imbestigahang mabuti ang kaso ng pag-atake kay Samar dahil hindi lamang ito usapin ng personal na inhustisya kundi tahasang atake sa kalayaan sa pamamahayag.

Nanindigan rin ang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP)-Albay kasama ang lokal na midya sa prubinsya sa pagkundena sa lahat ng tipo ng pag-atake na nagsasapanganib sa kalayaan sa pamamahayag at kaligtasan ng mga mamamahayag.

Ayon sa pambansang pamunuan ng NUJP, wala dapat mamamahayag ang nahaharap sa panganib ng pagpatay dahil lamang sa paggampan sa kanilang trabaho. “Hindi magpapatuloy ang mga banta at iba pang porma ng pag-atakeng ito kung seryoso ang administrasyong Marcos Jr sa pagwawakas sa impunity,” ayon sa NUJP.

Nakiisa rin sa panawagan para sa hustisya ang College Editors Guild of the Philippines (CEGP)-Bicol, mga taong-simbahan at grupong relihiyoso at iba pang mga samahan. Nagpahayag rin sila ng pakikidalamhati sa pamilya at kaanak ng biktima.

“Sa harap ng patuloy na pag-atake laban sa mga tagapagdala ng katotohanan, naninindigan ang CEGP-Bicol kasama ang mga mamamahayag na patuloy na lumalaban para sa hustisya, pananagutan, at isang lipunang tunay na malaya,” ayon sa alyansa ng mga pahayagang pangkampus sa Bicol.

Ang Pilipinas ay ika-siyam sa mga bansa sa mundo na walang napapanagot sa pagpatay sa mga mamamahayag ayon sa Committee to Protect Journalists (CPJ) 2024 global impunity index. Taun-taong bahagi ang Pilipinas sa naturang listahan mula nang inilunsad ang ulat noong 2008.

AB: Hustisya, panawagan ng mga mamamahayag sa pagpaslang sa brodkaster sa Albay