Balita

Iba't ibang sektor, malawakang lumahok sa Black Friday Protest kontra korapsyon

Patuloy na lumalawak ang partisipasyon ng iba’t ibang mga sektor sa bansa sa linggu-linggong Black Friday Protest kontra korapsyon ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK). Noong Nobyembre 21, nagprotesta ang mga manggagawa, magsasaka at mangingisda, kabataan at estudyante, guro, manggagawang pangkalusugan, at kawani ng gubyerno.

Nagkakaisang panawagan ng mga grupo ang pagpapanagot sa lahat ng sangkot sa malawakang korapsyon ng rehimeng Marcos. Nanawagan din sila para sa pagbibitiw sa poder nina Presidente Ferdinand Marcos Jr at Bise Presidente Sara Duterte bilang mga hari at reyna ng korapsyon.

Sa hanay ng mga manggagawa, tatlong unyon ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang muling nakiiisa sa mga protesta. Kumilos noong Byernes ang Samahang Janitorial sa Polytechnic University of the Philippines, Atrium Workers Union at Italit Workers Union, lahat myembro ng National Federation of Labor Unions-KMU.

Nagpiket ang mga mangingisda sa pangunguna ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) sa harap ng upisina ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa Quezon City para kundenahin ang korapsyon at nagpapatuloy na pandarambong sa kalikasan, laluna ang yamang tubig.

Ayon sa grupo, hindi lamang ang direktang korapsyon ng kaban ng bayan ang dapat imbestigahan. Dapat ding panagutin ang mga ahensya ng pamahalaan tulad ng DENR, na walang-habas mag-apruba ng mga proyektong nagpapalala ng kalamidad tulad ng reklamasyon at dredging. Ang pagkilos ay nakataon sa paggunita sa World Fisheries Day. Nakiiisa sa pagkilos ng Pamalakaya ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Muli namang naglunsad ng pambansa-koordinadong protesta at walkout ang mga grupo ng kabataan at estudyante sa araw na iyon. Nagmartsa sila sa Mendiola sa Maynila at naglunsad ng lokal na programa sa maraming syudad sa Metro Manila at sa walong iba pang syudad at prubinsya.

Pinangunahan ng Youth Rage Against Corruption (YRAC) ang martsa ng 1,500 kabataan sa Mendiola. Sa labas ng Maynila, inilunsad ng mga grupong alyado ng YRAC ang mga kilos protesta sa Pampanga, Rizal, Cavite, Batangas, Quezon, sa Calamba at Los Baños sa Laguna, Tacloban City at Davao City.

Kumilos rin ang mga manggagawang pangkalusugan sa pangunguna ng Alliance of Health Workers (AHW) at Filipino Nurses United (FNU). Sa Maynila, nagsama-sama ang mga nars, duktor, mga propesyunal pangkalusugan at estudyanteng pangkalusugan sa protestang inilunsad sa harap ng Department of Health (DOH).

Sa Quezon City, isang human chain at noise barrage naman ang inilunsad. Nakilahok rin sa araw ng protesta ang mga unyon ng mangggawang pangkalusugan sa Philippine General Hospital sa Maynila, Corazon Locsin Montelibano Memorial Regional Hospital at Bacolod Doctors’ Hospital sa Bacolod City at sa Baguio General Hospital and Medical Center sa Baguio City.

Pinangunahan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT)-Philippines at mga unyon sa ilalim nito ang pagkilos ng mga guro, pangunahin sa Metro Manila. Nagprotesta at nagtirik ng kandila ang mga guro sa Ramon Magsaysay High School sa Maynila. Kumasa rin sa protesta ang mga samahan ng mga guro sa iba pang eskwelahan. Paghahanda rin ang mga ito sa ilulunsad na pambansang sit-down strike ng ACT Philippines.

Mga kawani ng gubyerno. Pinangunahan ng grupong Rise All Government Employees (RAGE) against Corruption ang isang piket sa Quezon City. Dumalo sa protesta ang mga kawaning myembro ng Courage at mga pederasyon sa ilalim nito.

Samanatala, nagprotesta ang mga sektor sa pangunguna ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)-Southern Mindanao sa Davao City.

Sa Nobyembre 30, lalahok ang iba’t ibang sektor sa protestang bayan na Baha sa Luneta 2.0 sa Luneta Park sa Maynila na pangungunahan ng KBKK. Magkakaroon din ng mga katumbas na pagkilos sa Baguio City, Calamba City, Iloilo City, Roxas City sa Capiz, Cebu City, Bacolod City, Tacloban City, Davao City at iba pang syudad at bayan.

“Mula sa simpleng ‘managot ang kurakot’ hanggang sa malalalim na panawagan para magbitiw sa pwesto sina Bongbong Marcos at Sara Duterte at baguhin ang bulok na sistema ng pamamahala, lahat ng lehitimong sigaw ng bayan ay may puwang at pakikinggan,” pahayag ng KBKK para sa protesta.

AB: Iba't ibang sektor, malawakang lumahok sa Black Friday Protest kontra korapsyon