Balita

Ibinaba ng presyo ng bigas, wala pang ₱1 matapos ibaba ng taripa sa imported na bigas

Wala pang ₱1 ang ibinaba ng presyo ng bigas sa pamilihan, limang buwan matapos pirmahan ni Ferdinand Marcos Jr ang Executive Order No. 62 na nagbaba ng taripa ng imported na bigas mula 35% tungong 15% sa susunod na apat na taon. Pangako noon ni Marcos at kanyang mga upisyal sa ekonomya, ibaba nito ang presyo ng bigas nang hanggang ₱29/kilo.

Para pagtakpan ang kahungkagan ng kanilang pangako, binago ng mga upisyal ng rehimen noong Agosto ang inaasahang pagbagsak ng presyo nang ₱5-₱7/kilo na lamang. Pagsapit ng Setyembre, nagpalusot ang kalihim ng Department of Agriculture na sa Enero 2025 na mararamdaman, kung meron man, ang epekto ng EO na ipinagmayabang ni Marcos na solusyon sa mataas na presyo ng bigas. Pinirmahan ni Marcos ang EO noong Hunyo at sinimulang ipatupad ang pagbabawas na taripa mula Agosto.

Sa pinakahuling datos na inilabas ng Philippine Statistics Office, nananatiling nasa ₱50.22/kilo ang karaniwang presyo ng bigas na regular-milled noong Oktubre, ₱0.44 lamang na mas mababa sa ₱50.66/kilo na presyo nito noong Agosto. Nanatiling ring mataas ang abereyds na presyo nitong ₱55.28/kilo noong Oktubre, mas mababa lamang ng ₱0.28 sentimo sa ₱55.56/kilo noong Agosto.

Ito ay sa kabila ng 3.29 milyon metriko toneladang bigas na ang inangkat ng Pilipinas mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon. (Tataas pa umano ito tungong 4.6MMT sa katapusan ng taon, 84% na mas mataas simula nang magkabisa ang Rice Liberalization Law noong 2018.)

Malaon nang binabatikos ng mga grupo ng magsasaka ang patakaran ng liberalisasyon sa importasyon ng bigas, at ang EO No 62 ng rehimeng Marcos. Hindi lamang bigo itong ibaba ang presyo ng bigas, nagresulta rin ito sa lalong pagkalugi ng mga magsasakang Pilipino. Habang nananatiling mataas ang presyo ng bigas, hinahatak ng mga komersyante ang presyo ng pagbili ng lokal na palay dahil sa sobra-sobrang nilang iniimport.

Sa Laguna, halimbawa, umaabot lamang sa ₱15/kilo ang bilihan ng palay. Sobrang pahirap ito sa mga magsasakang tinamaan ng bagyo na sumira sa mga palayan.

“Sobrang mura ng palay ngayon, nasa 15 pesos lang kada kilo. Kawawa talaga ang mga magsasaka. Hindi pa man nakakapag-ani, berde pa ang palay,” ayon sa grupong Bantay Bigas. “Walang dudang sinisira ni Marcos Jr. ang kakayahan ng bansa sa sariling produksyon at seguridad sa pagkain.”

AB: Ibinaba ng presyo ng bigas, wala pang ₱1 matapos ibaba ng taripa sa imported na bigas