Balita

Ika-15 anibersaryo ng Ampatuan Masaker, ginunita ng mga mamamahayag

,

Ginunita ng mga grupo ng mamamahayag ang ika-15 taong anibersaryo ng Ampatuan Masaker, kilala rin bilang Maguindanao Masaker, ang pinakamalalang pag-atake sa mga manggagawa sa midya sa kasaysayan ng Pilipins, noong Nobyembre 23. Panata ng mga mamamahayag ang patuloy na ipaglaban ang pagkakamit ng hustisya para sa mga biktma.

Sa araw na ito, nagtipon ang mga pamilya ng biktima, mga upisyal ng National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa Ampatuan, Maguindanao kung saan naganap ang pagmasaker sa 58 indibidwal, kabilang ang 32 mamamahayag.

Sa Maynila, nagtungo sa Mendiola ang mga mamamahayag pangkampus bilang paggunita sa madilim na araw na ito para sa midya. Sa Cagayan de Oro, isinagawa ng NUJP-Cagayan de Oro kung saan nagsalita si Cathy Nuñez, ina ng reporter ng UNTV na si Victor Nuñez na isa sa mga biktima ng masaker.

Nananatiling katarungan ang sigaw ng mga pamilya at mamamahayag dahil kahit may nahatulan nang mga salarin, nakapailalim pa ito sa apela, at sa gayon ay maaari pang mabaligtad. Hanggang ngayon, marami rin sa mga akusado ay hindi pa nahaharap sa korte. Isa sa mga biktima, si Reynaldo Momay, isang photojournalist, ay hindi pa kinikilala bilang biktima ng masaker.

“Hanggang maging pinal ang hatol, maghihintay ang mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay hindi lamang ng hustisya, kundi pati ng kinakailangang kumpensasyon sa pagkawala ng kanilang kaanak,” pahayag ng NUJP at iba pang mga grupo ng mamamahayag.

Ang malala, ayon sa NUJP, namamayani pa rin sa ilang prubinsya ang mga “warlord” at libreng nakakapaghasik ng takot sa tabing ng “pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan at pag-unlad para sa gubyerno.”

“Ang mga kundisyong ito ay nangangahulugan na marami sa aming mga kasamahan na nag-uulat mula sa mga rehiyon ay nakararamdam ng presyur…para palabnawin ang kanilang mga kwento o di kaya’y huwag na iulat ang mga ito,” ayon sa NUJP. Ang “presyur” na ito ay maaring nasa anyo ng mga banta ng karahasan at pagsasampa ligal na mga kaso tulad ng libel at maging ng “terorismo” na sa karanasan ay isinampa na sa mga manggagawa sa midya, gayundin sa mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at mga misyonaryo at madre.

“Ang aming panawagan: buong hustisya para sa lahat ng biktima ng Ampatuan Massacre at sana matigil na ang pagpatay sa media at di na maulit muli ang nangyari noong 2009,” pahayag ni Grace Morales, asawa ni Rossel Morales at kapatid na si Marites Cabiltas na parehong biktima ng masaker.

Kasama ng NUJP sa paggunita ang Altermidya Network, Center for Community Journalism and Development, College Editors Guild of the Philippines, Foreign Correspondents Association of the Philippines, National Union of Journalists of the Philippines, Philippine Center for Investigative Journalism, Philippine Press Institute at Pinoy Media Center.

AB: Ika-15 anibersaryo ng Ampatuan Masaker, ginunita ng mga mamamahayag