Ilang reklamo laban sa mga inaresto noong rali ng Setyembre 21, ibinasura ng prosekyutor
Inianunsyo ng mga abugado ng ilang inaresto noong rali ng Setyebre 21 sa Mendiola sa Maynila na inirekomenda ng Manila Office of the City Prosecutor ang pagbabasura ng mga reklamong paglabag sa Article 146 (Illegal Assembly), Article 148 (Direct Assault) ng Revised Penal Code at Batas Pambansa 880 kinahaharap nila. Ayon sa prosekyutor, walang sapat na ebidensya upang magsampa ng kaso laban sa mga kabataang nagprotesta.
Ayon sa Kabataan Party-list, ang pagkakabasura ng mga reklamo ay isang makabuluhang tagumpay sa pagtatanggol sa demokratikong karapatan ng kabataan na magprotesta. “Ang dapat managot ay ang mga tiwaling opisyal na nagnakaw sa kaban ng bayan, hindi ang mga kabataang [nagsasalita] lamang laban sa korap at bulok na sistema!” pahayag ng partido.
Idineklara ng grupo na hinding-hindi ito titigil hangga’t lahat ng sangkot ay mananagot at hangga’t mabago ang bulok na sistema.
Samantala, kinundena ng Karapatan at Alyansa Laban sa Korapsyon at Brutalidad ng Pulis (AKAB) ang pagsasampa ng pormal na mga kaso laban sa 10 indibidwal na kabilang sa mga nagpuprotestang inaresto noong Setyembre 21. Sa resolusyon ng isang hiwalay na prosekyutor, inirekomenda nito ang pagkakaso ng paglabag sa Article 153 (Tumults and other disturbances of public order) laban sa 10.
Pansamantalang nakalaya ang 10 matapos magpyansa ng tig-₱2,000 kada tao. Papailalim sila sa paglilitis para sa kasong ito sa darating na mga buwan.
“Sinungaling ang mga kapulisan ng Maynila, partikular ang Manila Police District na siyang iligal na nang-aresto, nang-tortyur, at nagkulong sa karamihan ng kanilang hinuli,” ayon sa AKAB. Dagdag ng grupo, malinaw na panggigipit ito sa mamamayan dahil walang ni isang imbestigasyong isinagawa laban sa mga pulis kaugnay ng pasismo sa mga nagprotesta.
Iniulat din ng Karapatan na ang ibang mga nahuli at ikinulong ng mga pulis ay naghihintay pa ng resolusyon ng prosekyutor para sa mga reklamong kinahaharap nila. Kaugnay nito, muling nanawagan ang grupo na agarang ibasura ang mga kasong ito dahil isinampa lamang ang mga reklamo ng mga pulis at rehimeng Marcos para patahimikin sila at supilin ang lumalagong mga protestang kontra korapsyon sa bansa.
“Walang bagsik ng pasismo ang makapagpapatahimik sa galit ng bayan,” ayon sa Karapatan. Muli ring nanawagan ang grupo na panagutin ang lahat ng mga kurakot at mga sangkot sa iligal na pag-aresto, tortyur at pagpaslang sa mga lumahok sa protestang Setyembre 21. “Dapat ikulong ang mga kurakot at hindi ang mga mamamayang gutom at matagal ng biktima ng mapang-api at bulok na sistema!” ayon sa AKAB.