Balita

Impeach Sara, panawagan ng mga progresibong grupo

,

Nagpiket sa harap ng Kongreso kahapon, Setyembre 23, ang mga pambansa-demokratikong grupo para ipanawagan ang pagtatanggal kay Sara Duterte bilang bise presidente. Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan, karapat-dapat nang i-impeach si Duterte dulot ng maanomalya niyang paggastos sa confidential at intelligence funds na iginawad sa kanyang upisina noong nakaraang mga taon. Anito, maituturing itong “betrayal of public trust” na maaaring basehan para maghain ng impeachment complaint laban sa kanya sa Kongreso.

Bakit ayaw ipaliwanang ni VP Sara kung paano niya ginastos ang ₱73 milyon na “disallowed” budget niya?” tanong naman ni Atty. Carlos Zarate ng Bayan Muna. “Wala pa din siyang sagot sa mga tanong sa kanya ng Commission on Audit, ito ay paglabag sa kanyang tungkulin.”

“Hindi katanggap-tanggap sa aming mga manggagawa ang paglulustay ng aming buwis,” pahayag naman ni Jerome Adonis, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno at kandidato pagkasenador ng Makabayan. “Habang salat ang pondo para sa mga pampublikong serbisyo, ginagamit pa ang aming buwis para sa paniniktik, pandarahas, at pamamasista sa amin at sa aming mga unyon gamit ang confidential funds.”

Sa huling ulat mula sa Commisssion on Audit, ginastos ni Dutete ang kabuuang ₱500 milyon na CIF ng kanyang upisina sa loob lamang ng pitong buwan noong 2022-2023. Sa halagang ito, ₱237 milyon ang ginastos sa kwestyunableng paraan. Bahagi dito ang ₱73 milyon na ipinabalik ng COA (disallowed) at ₱164 milyon na kasalukuyang iniimbestigahan dahil sa potensyal na maling paggastos dito.

Liban sa CIF, nabunyag na rin ang mga anomalya sa loob ng Department of Education noong kalihim pa rito si Duterte. Kabilang sa mga ito ang kapalpakan sa pagtatayo ng mga klasrum, pagkabalam ng mga batayang serbisyo sa mga paaralan tulad ng pagpapakabit ng kuryente at paghahain ng sirang pagkain sa mga bata.

Panawagan din ng mga grupo ang pagtatanggal ng lahat ng mga CIF, kabilang ang mahigit ₱4 bilyon na nakalaan para kay Ferdinand Marcos Jr. Kasabay nito, panawagan nilang tanggalin ang lahat ng maituturing na presidential pork barrel.

AB: Impeach Sara, panawagan ng mga progresibong grupo