Balita

Importasyon ng galunggong, iba pang isda, ipinatigil

Suportado ng mga mangingisda ang hakbang kamakailan ng Department of Agriculture (DA) na ipatigil ang importasyon ng galunggong, mackerel at iba pang isda, ngunit pahabol nila, dapat umanong gawin na itong permanente.

Sa pahayag ng grupong Pamalakaya (Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas), tinulak nito ang DA na gawin nang aktwal na patakaran ang pagbabawal at permanente na itong ipatupad.

“Habang ang mga polisiyang liberalisasyon ay umiiral, ang ating lokal na pamilihan ay mananatiling nakabuyangyang sa murang imported na isda sa kapinsalaan ng lokal na industriya ng pangisdaan,” ayon kay Ronnel Arambulo, pambansang tagapagsalita ng grupo.

Itinutulak ng Pamalakaya na repasuhin ang Fisheries Administrative Order 195 na nagsisilbing ligal na basehan para bumaha ang mga imported na isda sa merkado.

Sa datos ng gubyerno, ang taunang importasyon ng galunggnong ay umabot ng: 17,000 MT noong 2018; 45,000 MT noong 2019; 30,000 MT noong 2020; 60,000 MT noong 2021 at 60,000 ngayong 2022.

Ipinaliwanag naman ng grupo na hindi itutulak ng pagtigil ng importasyon ang implasyon sa pagkain. “Hindi naman laging ang suplay ng isda ang nagpapasya ng presyuhan, kundi ang sistema ng middleman. Halimbawa, ang presyo ng galunggong sa palengke ay kasalukuyang nasa P240/kg, pero ang presyo nito sa mga mangingisda o farm gate value ay nananatiling P120/kg,” pagdidiin ni Arambulo.

Dahil umano dumadaan sa tatlo hanggang apat na pribadong komersyante bago makarating sa merkado, napakarami nang patong sa presyo ng isda kapag ibinebenta na sa palengke.

Giit ng grupo, dapat nang tuluyang talikuran ang patakaran ng importasyon at sa halip ay suportahan ang lokal na industriya sa pangisda. “Nananawagan [kami] ng signipikanteng suporta ng gubyeno sa pamamagitan ng subsidyo at ayuda sa produksyon, at ang pagtitiyak ng ekslusibong karapatan ng mga mangingisda sa ating mga pook-pangisdaan at baybaying dagat,” ayon kay Arambulo.

AB: Importasyon ng galunggong, iba pang isda, ipinatigil