‘Department of Angkat’, importasyon ng sibuyas, binatikos

,

Binatikos kahapon ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang desisyon ng Department of Agriculture (DA) at rehimeng Marcos na mag-angkat ng 21,000 metriko toneladang sibuyas. Ayon sa kanila, nakapipinsala ang ganitong hakbang sa mga magsasaka sa bansa. Binansagan nila ang ahensya bilang “Department of Angkat.”

“Pinili ng DA na bitawan ang interes ng mga magsasaka at konsyumer para lamang itaguyod ang anti-mamamayang patakaran nito sa importasyon,” saad ng grupo.

Inianunsyo ng DA ang pag-aangkat ng sibuyas noong Martes para umano hilahin pababa ang presyo ng sibuyas sa bansa na umaabot na sa ₱600 kada kilo. Nagsimula noong Lunes at magtatapos bukas, Enero 13, ang aplikasyon para sa importasyon ng mga negosyante.

Giit ng KMP, ang mga tauhan sa DA, si Marcos na tumatayong kalihim nito at mga tagapayo sa ekonomya ang “pinaka-mayroong pananagutan sa magiging malubhang epekto [ng importasyon], laluna sa mga konsyumer at nagtatanim ng sibuyas.” Anila, tanging malalaking importer at trader lang ang makikinabang sa hakbang na ito.

Napatunayan na umano ng karanasan sa nakaraan na hindi naibababa ng importasyon ang presyo ng mga produktong agrikultura. Inihambing ito ng KMP sa nangyaring pagbubuhos ng napakalaking imported na bigas sa bansa sa ilalim ng Rice Tariffication Law na nakapipinsala sa magsasaka pero hindi naman nagmura ang presyo sa merkado. Ganito rin umano ang nangyari sa presyo ng karneng baboy.

Ayon naman kay dating kalihim ng Department of Agrarian Reform at KMP chairperson emeritus Rafael Mariano, ang permanenteng pagsalalay ng DA sa pag-iimport bilang solusyon sa implasyon ng presyo ng pagkain ay ibayong makasisira sa lokal na sektor ng agrikultura. “Inililibing nila nang buhay ang lokal na agrikultura laluna ang maliliit na magsasaka at nagpoprodyus ng pagkain,” ani Mariano.

“Habang nananawagan ng pagpapalakas ng lokal na agrikultura at food self-sufficiency ang mga magsasaka, importasyon lang ang alam na gawin ng DA,” dagdag niya.

“Paano nangyari na noong 2021 hanggang early 2022 ay bagsak ang presyo ng sibuyas, nabubulok at itinatapon na dahil hindi maibenta. Pagkaupo ni Marcos Jr., biglang sumirit pataas ang presyo ng sibuyas. Nangibabaw ang kartel sa pagma-manipulate ng suplay at presyo,” sabi pa ni Mariano.

Sa nagdaang mga administrasyon, ayon sa KMP, tumaas ang pagsalalay ng bansa sa importasyon ng sibuyas. Sa ilalim ng rehimeng Duterte, 29.08% ang pagsalalay sa importasyon ng sibuyas; 8.62% sa panahon ng rehimeng Aquino II; at umabot ng 22.98% sa rehimeng Arroyo.

AB: ‘Department of Angkat', importasyon ng sibuyas, binatikos