Mga cell tower sa Pilipinas, binili ng mga dayuhang kumpanya

,

Sinunggaban ng mga dayuhang kumpanya sa pamamagitan ng kanilang mga subsidyaryo at katuwang na kumpanya sa Pilipinas at Southeast Asia, ang liberalisasyon sa sektor sa telekomunikasyon para kopohin ang mga cell tower sa bansa noong 2022. Binili ng mga ito ang mahigit kalahati (59%) sa kabuuang 22,405 cell tower na pinatatakbo ng tatlong kumpanya sa telekomunikasyon.

Ibinalita na kabilang sa pinakamalalaking “merger and acquisition” (pagsanib at pagbili) noong nakaraang taon ang pagbili ng mga dayuhang kumpanya sa pinagsamang 12,966 cellular tower ng Smart Communications Inc. at Globe Telecom Inc. Umabot sa $3.066 bilyon ang halaga ng transaksyon. Naganap ang pagpirma sa mga kontrata noong Agosto 2022.

Ibinenta ng Smart ang 5,907 tower nito sa halagang $800 milyon sa Axiata Group Berhad (Malaysia) at Digital Bridge (US) sa pamamagitan ng partner nito sa Southeast Asia na EdgePoint Infrastructure (Singapore). Ibinenta naman ng Globe ang 3,529 tower nito sa Frontier Tower Associates Philippines, isang subsidyaryo ng Amerikanong kumpanyang Pinnacle Towers. Ang partikular na pamumuhunan ng Pinnacle Towers sa Globe ay pinondohan naman ng Kohlberg Kravis Roberts & Co (KRR), isang malaking kumpanya sa pinansya (hedgefund) sa US.

Ang iba pang tower ng Globe ay binili ng PhilTower Consortium Inc na pinondohan ng Macquarie Capital ng Australia (1,359 tower) at ng Stonepeak (US) sa pamamagitan ng partner nitong Miescor Infrastructure Development Corp. (2,180 cell tower). Ang Miescor ay pag-aari ng Meralco, na nakapaloob sa MVP Group of Companies, kung saan nakapailalim din ang Smart Communications.

Mananatiling ang mga kumpanyang Globe at Smart ang gagamit sa naturang mga tower sa kaayusang lease back (pag-upa ng serbisyo) sa ngayon.

Malaking merkado para sa mga serbisyong telekomunikasyon

Itinuturing ng mga dayuhang kumpanya bilang “malaking merkado” ang Pilipinas para sa mga serbisyong telekomunikasyon. Liban sa nabili nilang mga tower, pahihintulutan din ang mga ito na magtayo ng karagdagang mga tower, laluna para sa serbisyong 5G. Noong nakaraang taon, itinakda ng DICT ang pagtatayo ng 50,000 bagong mga tower. Inaasahan din ng mga ito na sa lubusang pagbubukas ng sektor, maaari nang pumasok at mag-opereyt sa bansa ang malalaking dayuhang kumpanya sa telekomunikasyon, lagpas sa “pasibong” pagmamay-ari ng mga ito ng mga cell tower.

Matagal nang itinutulak ng mga dayuhang organisasyon sa komersyo na iliberalisa ang sektor para kunwa’y “itaas ang kumpetisyon at magbigay ng mas mahusay na dekalidad na serbisyo sa mas mababang halaga.” Ang palsipikadong argumentong neoliberal na ito ay dati nang ginamit para sa liberalisasyon ng iba pang pampublikong serbisyo, tulad ng kuryente at tubig. Napatunayan na itong hungkag sa mga sektor na ito.

Ang totoo, habol ng mga ito ang pagkontrol sa malaking merkado para sa serbisyong telekomunikasyon sa Pilipinas, na sa ngayon ay may milyun-milyon nang subscriber. Liban sa serbisyong text at call, malaki ang kita ng mga kumpanya sa telekomunikasyon sa mga serbisyong internet, electronic banking at iba pang serbisyong digital.

AB: Mga cell tower sa Pilipinas, binili ng mga dayuhang kumpanya