Liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas, asukal at iba pang pagkain, pahamak sa lokal na produksyon

Sunud-sunod na mga kautusan ang pinirmahan ng mga upisyal ng rehimeng Marcos para bigyan-daan ang pagbaha ng imported na mga pagkain sa susunod na taon.

Lumabas sa balita noong Disyembre 22 na inaprubahan ni Ferdinand Marcos Jr ang pag-angkat ng 64,050 metriko toneladang asukal para ibaba diumano ang mga presyo nito sa pamilihan. Ito ay sa kabila ng mataas ng lokal na suplay ng hilaw at repinadong asukal sa bansa. Sa datos mismo ng Sugar Regulatory Administration, mayroong pang 203,704 MT na “pisikal na suplay” ng refined sugar sa bansa noong Disyembre 11, mas mataas nang 56.66% kumpara sa suplay noong nakaraang taon. Mas mataas din nang 36.36% ang produksyon na lokal na repinadong asukal ngayon kumpara sa nakaraang taon.

Noong Disyembre 19, pinalawig ni Marcos hanggang Disyembre 2023 ang Executive Order 171, na nagbaba ng taripa at iba pang buwis sa karne, mais, bigas at coal. Ang kautusang ito, na inilabas ng dating presidente na si Rodrigo Duterte noong Mayo 2021, ay may bisa hanggang Disyembre 2022 lamang.

Dahilan noon ni Duterte na kailangang mag-angkat ng mga produkto para ibaba ang presyo ng mga bilihin. Pero sa kabila ng malalaking importasyon ng mga produktong pagkain, hindi bumaba ang presyo ng mga ito. Sa halip, lalupang sumirit tungong 8% ang pangkalahatang tantos ng implasyon noong Nobyembre—pinakamataas sa nakaraang 14 taon — at 10% ang tantos ng implasyon sa pagkain na pinakamataas naman sa nakaraang 13 taon.

Kabi-kabila ang mga batikos mula sa mga prodyuser, organisasyong magsasaka at konsyumer sa EO 171 noong una itong inilabas sa ilalim ng pandemya, na ngayo’y dalawang beses nang pinalawig.

“Matagal na nating sinasabi na hindi nagreresulta ang importasyon sa pagbaba ng presyo ng pagkain pero ito pa rin ang inihahain sa ating solusyon ng gobyernong Marcos,” ayon sa pangkalahatang kalihim ng Amihan at tagapagsalita ng Bantay Bigas na si Cathy Estavillo sa isang pahayag noong Disyembre 20. “Napakalinaw naman na hindi ito para sa interes ng mga magsasaka at mamimili.”

Ani Estavillo, ang pagpababa ng mga taripa sa inimport na bigas ay “ekstensyon” ng RA11203 o Rice Liberalization Law na negatibong umaapekto sa mga magsasaka at konsyumer. “Pinatutunayan lamang nito na mas pinapaboran ng gubyernong Marcos ang mga tagapayo niyang neoliberal, ang kartel sa bigas, malalaking importer at komersyante, kaysa protektahan ang mga nagpoprodyus ng pagkain at abutin ang katiyakan at self-sufficiency sa pagkain.”

Bago pa nito, nagpahayag ng pagkadismaya ang 15 grupo, kabilang ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, sa tunguhin ng rehimeng Marcos na lalupang umasa sa importasyon noong Disyembre 2.

Anila, “Ang murang mga import ay pumigil sa ating mga magsasaka na isustine at palawakin ang produksyon, at sa gayon ay nagdudulot ng dagdag na kasalatan sa suplay at nagtutulak sa atin na lalong umasa sa mga import. Ang malupit na siklong ito ay mananatili, hanggang hindi natin aayusin at baguhin ang patakaran sa kalakalan tungo sa pagkamit ng layuning makaprodyus ng sariling pagkain.”

Nitong taon, tinatayang bumagsak ang produksyon ng bigas sa Pilipinas dulot ng pagsirit ng presyo ng pataba. Dahil kulang sa pondo, mas kaunting pataba ang ginamit ng mga magsasaka, na nagbansot sa kanilang mga pananim at sa gayon ay nagpababa ng ani. Isa pang malaking salik ang paghambalos ng bagyong Karding na sumira sa aanihin sa sanang palay ng mga magsasaka. Umabot sa 134,205 MT palay na may halagang ₱2.05 bilyon ang nawasak sa bagyong ito. Pinakamatindi ang pagkawasak sa Central Luzon.

Ibinukas ng EO 171 ang pagbaha ng murang pagkain na nagmumula sa mga bansang naglalaan ng malalaking subsidyo sa kanilang mga magsasaka. Halimbawa nito ang bigas na mula sa Vietnam, na tumatanggap ng subsidyo na hanggang $236 kada tonelada, at sa gayon ay naieeksport sa mas mababang halaga. Gayundin ang bigas sa Thailand, na noong 2019 ay may subsidyong 21.5 bilyon baht (₱34.47 bilyon sa palitang 1 baht = ₱1.60) ng gubyerno nito. Ginagamit ng mga estado rito ang naturang mga subsidyo para bilhin ang ani ng mga magsasaka sa “rasonableng presyo” at tiyaking patuloy na nakakapagprodyus ng malalaking bolyum ng palay ang mga sakahan.

Samantala, halos walang makabuluhang subsidyong natatanggap ang mga magsasaka sa Pilipinas. Mas malala, lumalabas na mas mahal ang lokal na bigas dulot ng mataas na upa sa lupa, pagsirit sa presyo ng pataba at iba pang kagamitan sa pagsasaka. Sa harap ng mahal na gastos sa produksyon, labis na nalulugi ang lokal na mga magsasaka, na pinalala pa ng pambabarat sa presyo ng kanilang mga produkto ng mga panginoong maylupa at komersyante.

Dagdag sa mga nabanggit na pagkain, tuluy-tuloy din ang importasyon ng isda.

AB: Liberalisasyon sa pag-aangkat ng bigas, asukal at iba pang pagkain, pahamak sa lokal na produksyon