"Insulto" ang 15-taong pagkakakulong sa pumatay kay Jullebee Ranara

,

Habang binati ng grupong Migrante ang mabilis na paglilitis sa gumahasa, pumatay at nagsunog sa bangkay ng kasambahay na si Jullebee Ranara sa Kuwait, dismayado ito sa hatol na 15-taong pagkakakulong ng salarin.

“Naniniwala kami na insulto sa pamilya ni Jullebee, mga migrante at lahat ng mga Pilipino na naghahangad ng hustisya ang hatol na 15-taong pagkakakulong,” pahayag ng grupo noong Setyembre 16. Nabalita na nahatulan na si Turki Ayed Al-Azmi, ang 17-anyos na anak ng amo ni Ranara, sa kasong pagpatay. Ginahasa at pinatay niya si Ranara noong Pebrero bago sinunog at itinapon ang bangkay ng 35-anyos na kasambahay sa disyerto.

“Ipinapakita ng 15-taong sentensya sa pumatay kay Jullebee kung gaano kababa ang pagpapahalaga sa buhay ng mga migrante,” ayon sa grupo. Nanawagan ito sa gubyerno ng Pilipinas na igiit ang mas mahabang sentensya para sa pumatay at para bigyan ng kumpensasyon ang pamilya ni Ranara. Tinutulak din nila ang gubyerno ang pagresolba sa apat pang kaso ng pagpaslang ng mga kasambahay na Pilipino sa Kuwait sa nakaraang limang taon.

Kasabay nito, iginiit ng grupo na dapat maging mas maging alerto ang embahada ng Pilipinas sa Kuwait sa mga hinaing at saklolo ng mga migrante sa bansa, itulak ang mga hakbang para sa maayos na mga kundisyon sa paggawa at tutulan ang sistemang kafala na nagbibigay ng absolutong kontrol ng employer sa mga migrante.

Higit sa lahat, dapat seryosyong pagtuunan ng pansin ng reaksyunaryong estado ang paglikha ng mga disenteng trabaho sa loob ng Pilipinas para di mapilitan ang mga Pilipino na mangibang-bansa para sa trabaho.

“Hindi dapat umaasa ang gubyerno ng Pilipinas sa mga dayuhang mamumuhunan at ibang bansa para magbigay ng trabaho sa mga Pilipino,” anito. “Dapat pag-aralan ng gubyerno ang mga aral sa ating mga karatig-bansa na nagpatupad ng reporma sa lupa, at mga patakaran sa agrikultura at industriya na lumikha ng disenteng mga trabaho sa loob ng kani-kanilang bansa.”

AB: "Insulto" ang 15-taong pagkakakulong sa pumatay kay Jullebee Ranara