Balita

International Students Day, ginunita ng mga grupo ng kabataan sa malawakang protesta

,

Libu-libong estudyanteng Pilipino sa bansa ang nagprotesta laban sa korapsyon ng rehimeng Marcos noong Nobyembre 17 at 18. Ang mga pagkilos ay bahagi ng paggunita ng kabataang Pilipino sa International Students Day noong Nobyembre 17.

Sa Mendiola sa Maynila, daan-daang kabataan ang nagmartsa noong Nobyembre 17 para singilin ang rehimeng Marcos sa malawakang korapsyon sa bansa. Sa pangunguna ng Youth Rage Against Corruption, sigaw ng mga kabataan: “Marcos-Duterte, Alisin!”

Sa harap ng mga pagbabawal ng Department of Interior ang Local Government at mga pulis ng Manila Police District, iginiit ng YRAC na makapagmartsa patungo sa Mendiola at makapaglunsad ng programa. Ang Mendiola at Recto ay idineklara ng rehimen noong araw na iyon bilang “no man’s land.”

Ayon sa Anakbayan, hindi magpapatinag ang kabataan sa harap ng mapanupil na mga patakaran ng rehimen. “Hamon ngayon sa marami pang kabataan ang sumama sa kilusang kabataang estudyante at isanib ang kanilang lakas sa hanay ng manggagawa at magsasaka,” pahayag ng grupo.

Sa araw na iyon, naglunsad ng protestang walkout ang mga estudyante ng University of Eastern Philippines (UEP) sa Northern Samar. Hindi bababa sa 400 indibidwal ang lumahok sa tinaguriang makasaysayang protesta. Pinangunahan ang pagkilos ng The Pillar, pahayagang pangkampus, at ng UEP University Student Council.

Nagkaroon din ng protesta ang mga grupo ng kabataan Laguna at Quezon, sa mga syudad ng Cebu, Iloilo, Tacloban, at Davao.

5,500 estudyante, nag-walkout sa Baguio-Benguet

Higit 5,500 estudyante at kabataan ang nagmartsa sa mga lansangan ng Baguio City noong Nobyembre 18 para kundenahin ang korapsyon sa gubyerno. Ang mga lumahok sa martsa ay nag-walkout mula sa Benguet State University, Saint Lous University, University of the Philippines-Baguio, University of the Cordilleras at University of Baguio. Dumalo rin sa protesta ang mga estudyante mula sa Pines City Colleges, Easter Colleges, Baguio Central University at mga hayskul sa syudad.

Naglunsad ng programa ang mga kabataang estudyante sa kani-kanilang unibersidad, saka nagmartsa patungo sa Malcolm Square para sa isang sentralisadong programa. Liban sa pananagutan sa malawakang katiwalian sa gubyerno, nanawagan din sila para sa dagdag na badyet sa edukasyon. Kinundena rin nila ang “mallification” o pribatisasyon ng pampublikong palengke ng Baguio City at ang mapangwasak na pagmimina ng mga dayuhang kumpanya sa kabundukan ng Mankayan.

Ayon sa League of Filipino Student-Metro Baguio, ilang buwan na mula nang mailantad ang malakihang korapsyon, sa halip na ang mga sangkot ang managot, mga lider-estudyante ang hinuhuli at pinadalhan ng subpoena ng estado. Malinaw na mas nakatuon ang prayoridad ng estado sa pasimo kaysa sa batayang serbisyo o puksain ang kurapsyon. Nakagagalit din na sa halip na mapunta sana sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan ang pondo ng bayan, ay napupunta lamang sa bulsa ng iilan.

Idineklara ng mga grupo ng kabataan sa iba’t ibang rehiyon na muli silang maglulunsad ng pambansang walkout at protesta sa Nobyembre 21. Lalahok rin sila sa protestang Baha sa Luneta 2.0 sa Maynila at iba pang bahagi ng bansa sa Nobyembre 30 sa pangunguna ng Kilusang Bayan Kontra Kurakot.

AB: International Students Day, ginunita ng mga grupo ng kabataan sa malawakang protesta